Tatlong tropical depression ang mino-monitor ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), habang patuloy na nagbubuhos ng malakas hanggang intense na ulan ang habagat sa Luzon at ilang bahagi ng Visayas.
Batay sa 8 a.m. update nitong Miyerkules, August 19, nasa loob ng PAR ang Tropical Depression Neneng, habang nasa labas naman ang dating low pressure area (LPA) 08g at isa pang tropical depression sa silangan ng northeastern Mindanao.
Sa Tropical Cyclone Bulletin No. 3, namataan ang sentro ni Neneng alas-4 ng umaga sa layong 675 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes. Bahagya itong lumakas habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour (kph).
Taglay ni Neneng ang maximum sustained winds na 45 kph, gustiness na hanggang 55 kph at central pressure na 1,002 hectopascals. Umaabot hanggang 380 kilometro mula sa sentro ang malalakas na hangin nito.
Wala pang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS). Hindi rin inaasahang direktang tatama sa bansa si Neneng at tinatayang tutungo at magla-landfall sa Taiwan pagsapit ng Biyernes.
Ang ikalawang tropical depression ay namataan 670 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan. Hindi rin ito inaasahang direktang makaaapekto sa Pilipinas habang kumikilos patungong China.
Nasa 3,090 kilometro silangan naman ng northeastern Mindanao ang ikatlong tropical depression. Posible nitong palakasin ang Habagat sa susunod na linggo at maghatid ng ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Samantala, 100 hanggang 200 millimeters (mm) ng ulan ang inaasahan sa Zambales, Bataan at Occidental Mindoro. Posible ang pagbaha sa urbanized, mabababang lugar at mga komunidad malapit sa ilog.
Makakaranas naman ng 50 hanggang 100 mm ng ulan ang Metro Manila, La Union, Benguet, Pangasinan, Ilocos Sur, Abra, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Cavite, Batangas, Laguna, Rizal at Oriental Mindoro.
Asahan din ang thunderstorms sa natitirang bahagi ng Luzon, Antique at Aklan, na maaaring magdulot ng pagbaha at landslide.
Mula Miyerkules hanggang Huwebes, August 20, posibleng maranasan ang strong to gale-force gusts sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao at Davao Region. Sa Biyernes, August 21, maaapektuhan naman ang malaking bahagi ng Luzon, Panay Island, Negros Occidental, Northern Samar at Davao Oriental.
Aabot sa 3.5 metro ang alon sa karagatan ng Zambales at Lubang Islands, western seaboards ng Babuyan Islands, Bataan at Pangasinan, at northern seaboard ng Ilocos Norte.
Posible naman ang hanggang tatlong metrong alon sa Ilocos Sur at La Union; iba pang baybayin ng Babuyan Islands, Ilocos Norte at Pangasinan; western seaboards ng Batangas at Occidental Mindoro; northern at western seaboards ng Calamian at Kalayaan Islands; at southern seaboard ng Bataan.
Pinag-iingat ang mga sakay ng motorbanca at kahalintulad na maliliit na sasakyang-pandagat at, kung maaari, pinapayuhang huwag munang pumalaot. /Bistado


