Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

₱2.2-M gamit sa illegal fishing nasamsam; 21 nahuli sa Eastern Visayas

Umabot sa mahigit ₱2.2 milyon ang halaga ng mga bangka, kagamitan at isdang nasamsam sa magkakahiwalay na operasyon laban sa illegal fishing sa Leyte, Southern Leyte at Biliran.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), 21 katao ang nahuli ng Police Regional Office 8 sa isang araw na operasyon noong Linggo, August 16.

Sa Leyte, tatlong katao ang nahuli sa magkakahiwalay na operasyon sa karagatan ng Matalom, Isabel at Bato.

Nasamsam sa mga operasyon ang mga fishing boat, spear gun, lambat, compressor, flashlight at sari-saring isdang nahuli sa ilegal na paraan. Tinatayang ₱67,750 ang kabuuang halaga ng mga ito.

Tatlo pang indibidwal ang nahuli sa Limasawa, Pintuyan at Saint Bernard sa Southern Leyte dahil sa umano’y paglabag sa mga lokal na ordinansa sa pangingisda.

Kabilang sa mga paglabag ang pangingisda nang walang kinakailangang lisensya at paggamit ng mga hindi rehistradong bangka at kagamitan. Umabot sa ₱14,100 ang halaga ng mga nakumpiskang gamit, na inilagay sa kustodiya ng mga kinauukulang police station at lokal na awtoridad.

Pinakamalaki naman ang nasamsam sa Biliran, kung saan 15 katao ang nahuli sa tatlong operasyon sa territorial waters ng Culaba.

Nakuha rito ang mga fishing boat, motor engine, lambat at sari-saring isda na may pinagsamang halaga na ₱2,129,200. Ipinasa ang mga ito sa mga kaukulang awtoridad para sa tamang disposisyon.

Sa kabuuan, umabot sa ₱2,211,050 ang halaga ng mga bangka, fishing equipment at isdang nasamsam sa maghapong operasyon.

Isinagawa ang mga seaborne patrol at enforcement operation ng mga tauhan ng municipal police stations katuwang ang mga local government unit, Bantay-Dagat personnel at municipal agriculture office. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles