Tabla na ang PBA Season 50 Commissioner’s Cup finals matapos biguin ng TNT ang Barangay Ginebra, 101-94, sa Game 2 nitong Biyernes sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa harap ng 11,510 fans, bumawi si Calvin Oftana mula sa kanyang 12-point performance sa Game 1 noong Miyerkules sa pamamagitan ng season-high na 31 puntos at 10 rebounds.
Ang Game 3 ay nakatakdang gawin bukas, Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City simula 7:30 p.m.
Tumira si Oftana ng 5-of-10 mula sa three-point area at nagpasok ng mahahalagang puntos sa huling bahagi ng laro upang pangunahan ang pagbangon ng TNT mula sa kanilang 102-100 pagkatalo sa Game 1.
Nag-ambag si import Chris McCullough ng 19 puntos at 16 rebounds, habang nagdagdag si Jordan Heading ng 14 puntos.
Nagtala naman sina Rey Nambatac, RR Pogoy at Brandon Ganuelas-Rosser ng tig-10 puntos habang anim pa na manlalaro ng Tropang 5G ang nagtapos sa double figures.
Hindi tulad ng Game 1 kung saan nalubog sila sa hanggang 18 puntos, malakas agad ang simula ng TNT at nagtayo ng 27-12 kalamangan matapos ang unang quarter.
Lumobo pa ito sa 22 puntos, 81-59, sa simula ng fourth quarter, bago unti-unting nakabawi ang Ginebra at napababa ang agwat sa 98-94 sa huling 58.6 segundo.
Ang dalawang free throw ni Oftana may 18.7 segundo pang nalalabi ang nagbigay sa TNT ng 100-94 bentahe at tuluyang nagselyo sa panalo.
Kasunod nito, napwersa ni Heading si Ginebra import Justin Brownlee na sumablay sa isang posibleng four-point play at nasungkit ni McCullough ang rebound bago maipasok ang isa sa kanyang dalawang free throws para sa pinal na iskor.
“Composure lang. Alam natin Ginebra will come back, NSD (never say die) sila. I’m happy sa team we overcame the endgame run of Ginebra,” ani Oftana.
Sina McCullough at Oftana ay parehong umiskor ng walong puntos sa unang quarter pa lamang.
“We were very aggressive from the start. Our guys hit big shots and that’s it, we just have to stay aggressive,” ani McCullough.
Umaasa ang import na maipagpapatuloy ng TNT ang kanilang momentum sa Game 3.
“Just the same thing, rebound, rebound a little more. Play collective team defense and hit our shots, be aggressive,” ani McCullough.
The scores:
TNT 101 – Oftana 31, McCullough 19, Heading 14, Nambatac 10, Pogoy 10, Rosser 10, Castro 5, Williams 2, Khobuntin 0, Aurin 0.
GINEBRA 94 – Brownlee 24, Abarrientos 21, Gray 13, Go 10, Thompson 8, Rosario 6, Torres 5, Abis 4, Cu 2, Holt 1, Pinto 0.
Quarters: 27-12; 48-33; 78-59; 101-94


