Nagpakitang gilas agad ang Batang Talk ‘N Text nang tambakan ang Batang Rain or Shine, 82-49, sa 13-Under division sa pagsisimula ng 2026 Batang PBA Ynares Sports Arena sa Pasig nitong Sabado.
Lumamang agad ng 13 puntos ang Batang Tropang 5G, na pinangunahan ni Kyrian Jadera na gumawa ng game-high 23.
Si Rience Daniel Gaa ay nag-ambag ng 13 puntos at si Joaquin Miguel Sanchez ng 10 puntos para sa Batang TNT.
San Miguel at Phoenix ang dalawa pang koponan sa 13-U division.
Sa 11-U division, nalusutan ng Batang Meralco ang Batang Ginebra, 64-55, sa Group A, samantalang wagi ang Batang NLEX kontra Batang Blackwater sa Group B, 41-34.
Si Uriah Legayada ay nagtala ng 20 puntos at 12 naman mula kay Andrey Orsolino para sa Batang Meralco.
Si Don Jaiden Dimalanta ang top scorer ng Batang Road Warriors na may 17 puntos, sinundan ni Matthew Rivera Jr. (10) at Assapopulus Zoobi (7).
Gumawa si Joefree Kyrie Pillo ng pitong puntos para sa Batang Bossing.
Sa nag-iisang laro sa 15-U, tinalo ng Batang Ginebra ang Batang Converge, 72-68.
Si Solomon Zeus Saluquen ang nagdala sa Ginebra na may 20 puntos.
Humabol ang Batang Gin Kings mula 55-57 sa pagtatapos ng third quarter sa pamamagitan ng isang 17-4 run.
Sa huling minuto, abante na ang Batang Gin Kings, 72-61.
Tig-apat na koponan ang maglalaban sa 13-U at 15-U single round robin elimination para sa pwestuhan sa semifinals.
Sa 11-U, meanwhile, mayroong dalawang grupo kung saan tig-dalawa ang papasok sa Final Four.
May labanan din pa sa 10-U.
“Fifty years na ang PBA at 22 years naman ang Batang PBA. Noong sinimulan natin ito noong 2000s under Commissioner Noli Eala ay nagtuloy-tuloy na at ngayon, nakapag-produce na tayo ng more than 20 PBA players,” ani PBA commissioner Willie Marcial.
“Dito nila makukuha ang fundamentals, disiplina at camaraderie. Basta magdasal lang sila palagi, makinig sa magulang at sa coaches, magkaroon ng disiplina, panigurado makakaakyat sila sa PBA.”


