Ang dalawang koponan na nagharap sa finals ng Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup noong nakaraang taon ay kumuha ng mga bagong import sa hangaring mapalakas ang kampanya sa huling conference ng Season 50.
Kinuha ng Barangay Ginebra si Jordan Murphy habang pumirma naman sa TNT si Nick Hornsby.
Si Murphy ang pamalit sa puwesto ni Riley Grigsby, habang si Hornsby naman ang hahalili kay Rahlir Holls-Jefferson.
Nagharap ang TNT at Ginebra sa finals ng Season 49 Governors’ Cup, kung saan sina Rondae Hollis-Jefferson at Justin Brownlee ang kapwa bumuhat sa kanilang mga koponan.
Nakuha ng TNT ang kampeonato sa serye, 4-2.
Kapansin-pansin na kapwa nagpapagaling pa sina Hollis-Jefferson at Brownlee mula sa kani-kanilang malulubhang injury, kaya hindi pa sila maaaring makapaglaro para sa Tropang 5G at Kings.
Nahirapan ang defending champion at Kings sa unang bahagi ng eliminations.
Nasa .500 mark lamang ang Tropang 5G (4-4) para sa ikaapat na puwesto sa Group A, habang nasa ilalim naman ng Group B ang Kings na may 2-4 kartada.
Ang 31-anyos na si Hornsby ay produkto ng Sacramento State University, ngunit hindi napili sa 2017 National Basketball Association (NBA) draft.
Gayunman, taglay niya ang malawak na karanasan sa paglalaro sa ibang bansa, kabilang ang Germany, Israel, Canada, Mexico at Indonesia.
Naging miyembro si Hornsby ng All-Second Team sa Canadian Elite Basketball League noong 2026.
Tulad ni Hornsby, hindi rin napili si Murphy sa NBA (2019) sa kabila ng kanyang kahanga-hangang kredensyal sa University of Minnesota, kung saan siya naging all-time career rebounder at career double-double leader.
Ngunit ang 29-anyos na tubong San Antonio, Texas ay nakapagtatag ng karera sa G. League, kung saan naglaro siya para sa mga koponang Iowa Wolves, Austin Spurs, Greensboro Swarm at Mexico City Capitanes.
Bago dalhin ang kanyang laro sa Pilipinas, naglaro rin si Murphy sa Israel at Puerto Rico.
Makakaharap ng TNT ang Rain Or Shine sa huling playdate ng PBA On Tour sa Candon City, Ilocos Sur ngayong Sabado.
Magtatagpo ang dalawang koponan alas-6 ng gabi sa Candon City Arena.
Dumating si Hornsby sa bansa noong Huwebes ng gabi at hindi pa muna maglalaro.
Ang salpukan ng TNT at Rain or Shine sa Candon ang ikalimang laro ng PBA On Tour matapos ang mga laban sa San Jose Del Monte, Bulacan (NLEX-Blackwater), Ilagan, Isabela (San Miguel-Phoenix), Santiago, Isabela (Meralco-Converge), at Batangas City (Magnolia-NLEX).
Nangunguna ang Rain Or Shine sa Group B sa kartada 4-2 at makakaharap ang Ginebra sa Oktubre 9 sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.


