Ipinamalas ng Titan Ultra ang pinakamahusay na opensa sa PBA Season 50 Governors’ Cup upang makaganti sa Macau, 132-128, sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila nitong Martes.
Nagtala si Tirrell Brown ng 36 puntos, 10 rebounds at pitong assists upang pangunahan ang Giant Risers, na gumawa ng pinakamataas na marka sa kasaysayan ng prangkisa sa isang quarter (47), isang half (80), at kabuuang puntos,
Umabot ang pinakamalaking lamang na 66-37 laban sa Giant Pandas sa first half.
Naging sandigan din si Brown sa mahahalagang clutch baskets upang mabalik ang kontrol sa Titan, na ginulat ng ratsada ng Macau sa second half.
“We know that Macau will come back. Iyon din ang sinabi ko sa kanila sa huddle,” ani Titan coach Rensy Bajar matapos tumabla ang Giant Risers sa Giant Panda sa 2-5 kartada sa Group A.
Tinalo ng Macau ang Titan, 132-126, noong Hulyo 25.
“So, like what happened to us in our previous game, we were leading by 16 points in the first half and then all of a sudden they came back strong in the third and fourth quarters,” dagdag ni Bajar.
“Ganu’n na rin ang nangyari sa amin at this point, but nag-stick together lang ‘yung mga bata.”
Umiskor si Joshua Munzon ng 18 puntos, ngunit binigyang-pugay ni Bajar ang kanilang mga reserve players, sa pangunguna nina Roi Sumang at Bryan Sajonia, na umiskor ng pinagsamang 57 puntos.
Partikular na umangat si Ato Ular, na nagtala ng anim sa kanyang siyam na puntos at lima sa kanyang walong rebounds sa fourth quarter upang mapanatili ang lamang kontra Macau.
Sa kabila ng 45 puntos at 14 rebounds ni De’Vondre Perry, 24 puntos ni Ramon Cao, at personal na PBA-best ni Jeffrey Ma na 18 puntos at 10 rebounds, hindi umubra ang Macau sa Titan.
Nag-ambag din si Damien Chongqui ng 18 puntos at siyam na assists, habang nagmula sa bench si Kobey Lam upang umiskor ng 14 puntos. Samantala, pitong puntos lamang ang naitala ni Jenning Leung bilang starter.
Nagawa pang gawing kapana-panabik ng Macau ang laban sa pangunguna ni Perry ang bawasan nila ang kanilang hinahabol sa 60-80 pagsapit ng halftime at 97-108 matapos ang tatlong quarter.
Samantala, maghaharap ang San Miguel Beer at Converge na parehong galing sa pagkatalo ngayong Miyerkules simula 7:30 p.m. sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Noong Sabado, natalo ang San Miguel sa TNT, 89-93, at ang Converge sa NLEX, 107-119.
Nasa ikalawang pwesto pa rin ang San Miguel (4-2) sa Group A.
May kartada 3-3 naman ang TNT.
Ito ang magiging simula ng ikalawang round para sa dalawang koponan, kung saan hangad ng San Miguel na ulitin ang kanilang 128-122 noong Hulyo 22.
Sa unang laro simula 5:15 p.m., magsasagupa ang Phoenix Super LPG at Blackwater.
Tinalo ng Fuel Masters ang Bossing, 102-93, noong Hulyo 28 at kung mauulit nila ang panalo, aangat sila sa 5-1 rekord na lalo pang magpapatibay sa kanilang pamumuno sa Group B.
“Ang goal naman namin is to be able to compete every game. That’s really our challenge,” ani Phoenix coach Charles Tiu.
Desperado ang Blackwater na maputol ang tatlong sunod nitong pagkatalo, mapaganda ang kasalukuyan nitong 2-3 rekord, at muling buhayin ang tsansang makapasok sa top four na uusad sa quarterfinals matapos ang 12 laro sa eliminations.
“We expect Blackwater to bounce back. They’re on a losing streak, di ba?” ani Tiu. “They also had this week to prepare and regroup so medyo desperation mode na sila. That’s why we need to want it more than them.”
First Game
TITAN 132 – Brown 36, Munzon 18, Sumang 14, Sajonia 13, Balanza 9, Ular 9, Dionisio 8, Yu 7, Omega 6, Javillonar 5, Pessumal 4, Wong 3.
MACAU 128 – Perry 45, Cao 24, Ma 18, Chongqui 18, Lam 14, Leung 7, Lu 2, Chao 0.
Quarters: 47-29; 80-60; 108-93; 132-128


