Kung si Sharmaine na orange ay na-stress dahil ang pangalan niya ay literal na kulay niya, may bagong frenny siyang mas may karapatang magtanong sa universe: “Bakit ganito ang branding ko?”
Mga kababayan, meet tampalpuke.
Oo, tama ang basa mo. Tampalpuke. Kilala rin bilang dapa, palad, o flounder. At hindi ito gawa-gawang pangalan sa internet. Na-feature ito kamakailan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) bilang isa sa mga kakaibang isda sa karagatan.
Kaya kung si Sharmaine ay nagreklamo sa pangalang orange, ano na lang si tampalpuke?
At least si Sharmaine pang-fruit stand. Si tampalpuke, pang-prank call ang dating pero pang-ulam pala ang ending.
Ang tampalpuke ay flatfish. Palapad ang katawan niya, parang isdang pagod na pagod na sa buhay at nagpasya nang humiga na lang sa seabed. Pero huwag kang magpabudol sa hitsura. Sa paglaki nito, unti-unting lumilipat ang isang mata sa kabilang side ng ulo.
Sa tao, nakakakaba iyon. Sa tampalpuke, normal development lang. Biology said, “Hayaan mo siya. May pinagdadaanan.”
May talent din itong mag-camouflage. Kaya nitong magbago ng kulay ng balat o ibaon ang sarili sa buhangin para magtago sa kalaban. Very relatable sa mga taong ayaw munang mag-seen sa group chat.
Pero ito ang mas magandang balita: bukod sa may personality crisis ang pangalan niya, may budget-friendly era rin siya.
Sa palengke, ang tampalpuke ay nasa P250 hanggang P300 kada kilo. Mas mura ito kumpara sa pompano na nasa P420, tanigue na nasa P480, at tuna na nasa P400.
Kaya kung gusto mong magpaka-fancy sa ulam pero ayaw mong umiyak sa presyo, may bagong kandidato sa kusina. Hindi siya kasing sikat ng bangus, galunggong, o tilapia. Pero pagdating sa lambot ng laman, hindi siya nagpapaiwan.
Maputi, pino, at malambot ang karne ng tampalpuke. Pwedeng iprito. Pwedeng ihawin. Pwedeng lagyan ng sarsa. Pero kung gusto mong bongga ang dating, subukan siyang gawing sweet and spicy tampalpuke.
Oo, ang pangalan pa lang, may punchline na. Pero kapag naluto nang tama, baka mapalitan ang tanong mula “Ano ‘yang tampalpuke?” tungo sa “May natira pa ba?”
Simple lang ang peg: prituhin o i-sear muna ang isda hanggang golden, tapos buhusan ng sauce na may tamis, anghang, bawang, sibuyas, kaunting suka, toyo, ketchup, o chili sauce—depende sa trip ng bahay. Resulta? Ulam na may lambot, kick, at konting drama.
Dito papasok ang tunay na life lesson mula kay Sharmaine at sa bagong frenny niyang si tampalpuke: huwag husgahan sa pangalan.
Si Sharmaine ay orange na gustong mag-rebrand. Si Vanessa ay langaw na gusto ng sariling identity. Si Melanie ay avocado na sumali sa naming crisis.
At si tampalpuke? Siya ang isdang kahit questionable ang pangalan, may silbi sa hapag, may ambag sa kabuhayan ng mangingisda, at may presyo pang hindi nang-aaway ng wallet.
Kaya next time na nasa palengke ka at naghahanap ng mas murang alternatibo sa pompano, tanigue, o tuna, huwag agad umiwas kapag narinig mo ang pangalan niya.
Subukan mo ang tampalpuke. Flat man siya sa dagat, may dating siya sa kawali! /Bistado


