Pinapatigil ni Sen. Kiko Pangilinan ang “tingi-tingi” na flood control projects at isinusulong ang isang integrated at science-based national plan para magkaroon ng malinaw na pananagutan sa flood management.
Ayon kay Pangilinan, maaaring masayang ang pondo sa paku-pakong proyekto at mailipat lamang ang problema sa baha mula sa isang komunidad patungo sa iba.
Giit niya, walang kinikilalang political boundaries ang tubig kaya hindi dapat nakabatay lamang sa congressional district, probinsya, o bayan ang flood control planning.
Sa halip, nais niyang magkaroon ng master plan at malinaw na chain of accountability para sa bawat metropolitan area o major river basin.
Sa Metro Manila, iminungkahi ni Pangilinan na manguna ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa planning, coordination, at monitoring. Dapat nakaayon sa iisang master plan ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), local government units, water concessionaires, at iba pang ahensya.
Sa labas ng Metro Manila, nais niyang ibatay ang flood control sa buong river basin gaya ng Pampanga, Agno, Cagayan, Bicol, Agus, at Mindanao.
Itinutulak din ni Pangilinan ang public database na maglalaman ng budget, contractor, specifications, timeline, at lokasyon ng bawat proyekto, pati ang koneksyon nito sa master plan.
Nais din niyang gamitin ang hydrological studies, hazard maps, climate projections, at iba pang scientific data sa pagpili ng mga proyekto.
Hiniling din ng senador ang independent audit para matukoy hindi lamang kung tama ang pagkakagawa ng proyekto kundi kung talagang nakabawas ito sa baha at hindi nagpalala ng flooding sa ibang lugar.
Para kay Pangilinan, hindi dapat ituring na accomplishment ang dami ng natapos na flood control projects kung patuloy namang binabaha ang mga komunidad. /Bistado


