NEGROS OCCIDENTAL – Arestado ang isang 19-anyos na suspek matapos makumpiskahan ng P5.576 million halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Manapla, Negros Occidental noong Sabado ng gabi.
Ayon sa Police Regional Office-Negros Island Region nitong Linggo, kinilala ang suspek sa alyas na “Jay Em,” residente ng Barangay 1B sa nasabing bayan sa northern Negros.
Naaresto siya sa meetup sa Hacienda Busay, Barangay Punta Mesa sa operasyong isinagawa ng Regional Police Drug Enforcement Unit.
“It was launched following the receipt and validation of intelligence information regarding the suspect’s alleged involvement in illegal drug activities,” ayon sa report ng PRO-NIR.
Pasado 10 p.m., sakay umano ng motorsiklo si “Jay Em” nang bentahan niya ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P12,000 ang isang undercover policeman.
Matapos nito, nasamsam mula sa suspek ang tatlong knotted plastic bags at 24 heat-sealed sachets na naglalaman ng humigit-kumulang 820 grams ng shabu.
Batay sa presyong P6,800 kada gramo, aabot sa humigit-kumulang P5.6 million ang halaga ng nakumpiskang shabu.
Narekober din ng operating team ang cash na nagkakahalaga ng P20,000, ayon sa police report.
“The successful operation demonstrates our unwavering commitment to dismantle illegal drug networks and holding accountable those who threaten the safety of our communities,” pahayag ni PRO-NIR acting Director Brig. Gen. Romano Cardiño.
Sumunod ang operasyon sa dalawa pang malalaking anti-drug operations sa rehiyon noong nakaraang linggo.
Noong June 18 sa Negros Oriental, nakasabat ang mga operatiba ng P3.47 million halaga ng shabu sa buy-bust sa Purok 5, Barangay Liptong, Valencia. Arestado ang 31-anyos na lalaking suspek na residente ng Zamboanga City.
Noong June 15 naman, isang 52-anyos na babaeng suspek ang nakumpiskahan ng P1.43 million halaga ng shabu sa buy-bust sa Purok Star Apple 2, Barangay 27, Bacolod City. /Bistado


