Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Team Pilipinas, taas-noo sa 20th Asian Games

Hamon — hindi hula o ilusyon — ang target na walong ginto ng Pilipinas sa papatapos na 20th Asian Games sa Nagoya, Japan.

Uuwi ang Pilipinas na may 4-9-16 gold-silver-bronze, na mas mainam kaysa sa 4-2-12 noong 2023 Hangzhou, China Games.

Ito rin ang pinakamaraming medalya ng Pilipinas sa loob ng 64 taon o mula noong 1962 Jakarta Games na may 37 (7 gold, 6 silver, 24 bronze).

Hindi kailanman inilaan bilang hula sa magiging resulta, kundi isang matapang na hamon sa pamumuno upang hikayatin ang mga atleta na maghangad ng mas mataas kaysa dati, ayon kina Philippine Sports Commission (PSC) Chair Patrick Gregorio at Commissioner Walter Torres 

Sa pagtugon sa online bashing at mga batikos tuwing nakararanas ng masasakit na pagkatalo, dikit na split decisions o maagang pagkalaglag ang mga pambansang atleta, binigyang-diin nina Gregorio at Torres na mahalagang magtakda ng mataas na pamantayan tungo sa world-class performance.

Mabilis na kinutya ng mga kritiko ang eight-gold challenge at ginamit ang bawat pagkabigo upang kwestyunin ang kampanya kahit hindi pa natatapos ang kompetisyon.

Sa gitna ng ingay, pressure at walang humpay na pambabatikos, ipinakita ng Team Pilipinas ang katangian ng mga tunay na mandirigma: Hinayaan nilang ang kanilang puso at performance ang magsalita.

Ipinagmamalaki ng PSC at Philippine Olympic Committee na hinarap ng mga pambansang atleta ang hamon at mag-uwi ng apat na gold medal, tampok ang makasaysayang titulo ni Jeus Yape sa mixed individual virtual taekwondo, dalawa mula kay Carlos Yulo sa gymnastics at isa ni Ernest John Obiena sa pole vault. 

Ani Gregorio, ang pamumuno sa sports ay tungkol sa tapang na magtakda ng mataas na pamantayan, pagtanggap sa mga batikos kapag nagiging mahirap ang laban, at matatag na pagsuporta sa mga atletang buong puso at lakas na lumalaban para sa bandila. 

Hindi nalalagpasan ang mga hadlang sa pamamagitan ng paglalaro nang ligtas — nalalagpasan ang mga ito sa pamamagitan ng tapang na hamunin kahit ang tila imposibleng makamit, ayon sa dalawang opisyal.

Saludo sina Gregorio at Torres sa bawat atleta at coach na hindi nagpaapekto sa mga nagdududa at nakipaglaban para sa bandila.

“Congratulations mula sa Philippine Sports Commission. We’re so happy we won so many medals in so many sports. Kung hindi ako nagkakamali, mga 18 or 19 [events],” ani Gregorio.

Dinagdag din ni Gregorio na alam ng Malacañang ang mga pangyayari. Sa huling tala, nasa Php35 milyon na ang gantimpala para sa mga atleta at coach.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles