Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

House power probe dinala sa Bacolod; suplay ng kuryente sa Visayas, tinutukan

Dinala mismo ng Kamara sa Bacolod City ang imbestigasyon sa paulit-ulit na brownout at mataas na presyo ng kuryente sa Visayas, kasabay ng paglatag ni Deputy Speaker Alfredo “Albee” Benitez ng 15-point “Liwanag Agenda” para dagdagan ang supply, ayusin ang reserves, palakasin ang transmission links at gawing mas transparent ang power pricing.

Nagsagawa nitong Sabado, October 3, ng joint public hearing ang House Committees on Energy, Visayas Development at Legislative Franchises. Hinarap ng mga mambabatas ang Department of Energy (DOE), Energy Regulatory Commission (ERC), National Grid Corporation of the Philippines, power generators, distribution utilities at iba pang stakeholders tungkol sa outages, red at yellow alerts, mahal na spot-market prices at kakulangan ng dependable supply.

“It is important that we do not discuss the energy situation of the Visayas only from Manila,” ani Benitez.

Ayon kay House Committee on Energy Chair Rep. Jose Alvarez, anim na resolusyon ang nagtulak sa inquiry para matukoy kung kailangan ng bagong batas o agarang aksyon mula sa DOE, ERC, generators at transmission operators.

Sakop ng mga resolusyon ang back-to-back tripping ng major transmission lines, May 2026 manual load dropping, recurring red at yellow alerts, delayed capacity ng bagong power plants, continuing outages, procurement at delivery ng consumer services, at estado ng generation, storage at transmission projects.

Mabigat ang naging epekto sa presyo. Sa July 26 hanggang August 25 billing period, umabot sa 53 oras ang red alert at 86 oras ang yellow alert sa Visayas, ayon sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines. Umakyat sa P18.59 kada kilowatt-hour ang average wholesale spot price, kumpara sa P4.80 sa Luzon.

“We’ve seen the weaknesses of our current power system,” ani Benitez.

Ayon sa kanya, pati reserve capacity ay nauubos dahil nagagamit na para tugunan ang ordinaryong demand. Kapag kapos ang supply, napipilitang mag-agawan ang distribution utilities sa natitirang kuryente.

Tinawag niya itong “a seller’s market.”

Sa “Liwanag Agenda,” itinulak ni Benitez ang agarang pagbabalik sa operasyon ng mga sirang planta, tunay na backup capacity, bagong generation sa mga lugar na kapos sa kuryente, joint procurement ng power requirements ng utilities at mas matibay na inter-island transmission links.

Iminungkahi rin niya ang “aggregation of requirements,” kung saan pagsasamahin ng distribution utilities ang kanilang power needs at sabay na magbi-bid para sa mas malaking volume. Ayon sa kanya, may ganitong joint procurement noong 2011 na nagresulta umano sa mas murang bids, ngunit hindi na ipinagpatuloy pagsapit ng 2018.

Pinababalikan din ni Benitez ang mga patakaran ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM), lalo na kung paano itinatakda ang clearing price kapag manipis ang supply.

“For example, yung clearing price sa WESM, that’s something that we can change,” ani Benitez. 

Ipinakita rin sa hearing ang scenario ng IEMOP kung mananatiling offline ang mga planta at walang bagong near-term capacity, na maaaring umabot sa P12.12 kada kWh ang projected fourth-quarter wholesale spot price sa Visayas. Kapag nakabalik ang mga planta at nadagdagan ng 229 megawatts ang capacity, bababa sa P5.74 kada kWh ang projection at walang grid alerts sa naturang scenario.

Conditional projections lamang ang figures at hindi garantiya ng mas mababang household bills.

Bukod sa supply at market rules, itinulak ni Benitez ang digital transparency portal para makita ng regulators at publiko kung paano kinukuwenta ng generators ang presyong sinisingil sa distribution utilities.

Lumabas ang proposal matapos niyang usisain ang Negros Electric and Power Corp. tungkol sa replacement power kapag pumalya ang contracted plant.

Ayon kay ERC Chair Francis Saturnino Juan, sa standardized power supply agreement template mula 2023, sagot ng distribution utility ang replacement power habang nasa allowed outage period ang generator. Kapag lumampas dito, generator na ang sasagot sa additional replacement cost.

Tinanong din ni Benitez kung gaano kalalim ang kakayahan ng utility na beripikahin ang fuel-cost inputs ng generators.

“So blind kayo?” tanong niya.

Sinabi ni Juan na buwan-buwan isinusumite ng distribution utilities sa ERC ang generation-charge calculations at supporting documents para i-audit laban sa approved contracts.

Sa hearing, sinabi ng Therma Visayas na kumukuha ito ng coal mula Indonesia at gumagamit ng Indonesian Coal Index sa power supply agreements nito.

Dito itinulak ni Benitez ang portal na magpapakita ng pricing formulas at calculations sa pagitan ng generators at distribution utilities.

Nang tanungin kung bukas ang ERC sa ideya, diretsong sagot ni Juan: “We will welcome that portal.”

Sa panig ng DOE, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na immediate measure ang battery energy storage para saluhin ang supply disruptions, habang kumikilos din ang departamento para makapagdagdag ng power barges.

“The earliest long-term solutions for the whole Visayas is at 2028,” ani Garin.

Para kay Benitez, kailangang pagsabayin ang plant repairs, bagong generation, tunay na reserves, joint purchasing, mas matibay na transmission at mas malinaw na pricing.

“We are not here just to count megawatts. We are here to make every megawatt count,” ani Benitez. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles