Nakakuha ng silver medal ang windsurfer na si Dhenver John Castillo upang manatili sa ikatlong pwesto ang Team Philippines sa 6th Asian Beach Games sa Sanya, China nitong Martes.
Pumangalawa si Castillo kay Wang Yiguo ng China sa boys’ foil event samantalang bronze medalist si Wachirawit Thonup ng Thailand.
Matatandaan na si Castillo ang gold medalist sa 2025 Thailand Southeast Asian Games noong Disyembre.
“Of course, during training, it’s really hard. You have to persevere,” ani Castillo. “You really put all your heart into these competitions. My family told me to always be careful, do your best, while my coaches, they said, always stay focused.”
Nangunguna pa rin ang China sa overall tally na may 21-14-8 gold-silver-bronze, kasunod ang Thailand (9-8-5), Pilipinas (3-3-2), Vietnam (2-3-4) at United Arab Emirates (2-2-2), dalawang araw na lamang ang nalalabi sa kumpetisyon.
Handball ang huling paglalaban sa pagtatapos ang kumpetisyon sa Abril 30.
Sa 45 na bansang kalahok at 15 event, 27 bansa na ang nasa medal tally, bagama’t tig-isang tanso pa lamang ang nakuha ng Bangladesh, Japan, Lebanon, Malaysia, Nepal, Pakistan at Saudi Arabia.
Samantala, maaari pang madagdagan ang medalya ng Pilipinas dahil pasok sa semifinals ng basketball 3×3 ang Gilas Pilipinas men’s at women’s.

Tinalo ng men’s team ang India, 18-14, and sinibak ng women’s team ang Kazakhstan, 16-11, sa quarterfinals.
Sa wrestling, pasok sa round-robin group si Abby Balisme nang talunin si Danielle Lim ng Singapore, 3-1, sa women’s 60kg.


