Pinag-aaralan ng Taiwan ang pagpapatupad ng direct hiring system para sa overseas Filipino workers (OFWs) para mapababa ang gastos sa pag-aapply ng trabaho at mapabilis ang recruitment ng mga kumpanyang Taiwanese.
Inihayag ito ni Taipei Economic and Cultural Office (TECO) Philippines Representative Wallace Minn-Gan Chow sa isang reception sa Taguig City nitong Huwebes ng gabi.
“Earlier this year, my office, TECO, established a labor division to provide better and more accessible services to Filipino migrant workers going to Taiwan. This will include the introduction of direct hire arrangements in the future,” ani Chow.
Layunin ng panukala na mabawasan ang recruitment expenses ng mga Pinoy, mapalakas ang kanilang proteksyon at mapadali ang pagkuha ng mga Taiwanese employer ng manggagawa.
“Through this mechanism, we aim to lower the expense for Filipino workers going to Taiwan, enhance their protection, and simultaneously expedite recruitment for Taiwanese companies,” dagdag niya.
Ayon kay Chow, pangatlo ang Pilipinas sa pinakamalaking pinagmumulan ng migrant workers sa Taiwan, kung saan mahigit 191,000 OFWs ang kasalukuyang nagtatrabaho, karamihan sa mga steel factory.
Bukod sa trabaho, nais ding palawakin ng Taiwan ang kooperasyon nito sa Pilipinas sa semiconductors, artificial intelligence (AI) at advanced manufacturing.
Sinabi ni Chow na maaaring pagsamahin ang high technology, engineering expertise at manufacturing capabilities ng Taiwan sa batang workforce at energy resources ng Pilipinas para sa mas malawak na economic partnership.
Inaasahang lalago ng 11.05 porsiyento ang ekonomiya ng Taiwan ngayong 2026, ang pinakamabilis sa loob ng 39 taon, dahil sa mataas na demand para sa AI at emerging technologies.
Ayon kay Chow, mahigit 90 porsiyento ng pinakamodernong chips sa mundo ang ginagawa sa Taiwan, habang higit 90 porsiyento ng AI servers ay ginagawa at ina-assemble ng Taiwanese suppliers. /Bistado


