Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Tagumpay ng Pinas sa 11th Asia-Oceania Sambo: 3 ginto, 4 pilak, 8 tanso

Nakuha ni world No. 1 Aislinn Agnes Yap ang ikatlo at huling gintong medalya ng Pilipinas upang tapusin ang matagumpay na kampanya sa ikalimang pwesto sa 11th Asia-Oceania Sambo Championships nitong Linggo.

Nagbunyi ang mga Pinoy sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila nang itumba ni Yap si Zamzagul Faizollanova ng Kazakhstan sa kalagitnaan ng laban para sa 1-0 panalo at mapanatili ang korona sa women’s -80-kilogram combat sambo.

Kinuwestiyon ng kampo ni Faizollanova ang panalo ni Yap, ngunit matapos suriin ang video replay, pinagtibay ang ginto ng Pinay.

Ang dalawa pang ginto ay nagmula kina world No. 7 Jomary Torres at Aumagel Princess Cortez.

Pinabagsak ni Torres si Zhadyra Paiyz ng Kazakhstan sa pamamagitan ng right roundhouse kick sa ulo, ilang segundo lamang matapos magsimula ang kanilang women’s 50kg combat sambo finals.

Nanatiling nakaluhod si Paiyz at tila nahihilo dahil sa tama kaya itinigil ng referee ang laban at idineklarang panalo ang Pinay sa iskor na 8-0.

Maaga naman sumugod Cortez at nagtala ng dominanteng 9-2 panalo laban sa isa pang atleta ng Kazakhstan na si Mervet Berdhinakova sa women’s 59kg combat sambo class.

Bahagyang napawi ng kanilang mga tagumpay ang kabiguan ni defending women’s +80kg combat sambo champion Sydney Sy, na natalo sa iskor na 0-6 laban sa dating world champion na si Arailym Abenova ng Kazakhstan noong Sabado.

Ang ikaapat na silver medal ay nagmula sa baguhan ng national team na si Jasmaine Henryk Ching, na natalo sa pamamagitan ng submission laban kay Gulo Almukhanbetova ng Kazakhstan sa women’s -54kg sport sambo.

Sa kabuuan, nagkamal ang Pilipinas ng tatlong ginto, apat na pilak at walong bronze medal, na nalampasan ang dalawang ginto nina Yap at Sy noong isang taon.

Ang dalawa pang pilak ay nagmula kina Sophia Nicole Novino (47kg youth) at Christi Angelic Espolong (59kg juniors combat).

Ang walong bronze medals ay nasungkit nina Princess Love Boyore (54kg), Maria Tessa Polistico (59kg) and Jennylyn Tunacao (72kg) sa youth division; Johann Matthew San Miguel (58kg), Daniel Justin Virtudazo (88kg) and Julian Henry Flores (98kg) sa juniors combat; Jeniva Consigna (59kg) sa adult sport; Godwin Langbayan (64kg) sa adult combat.

“Ang sabi namin ni coach Jerry (Legaspi) na dadaanin namin sa suntok pero sabi ko sa sarili ko na maliit yung kalaban ko kaya sinubukan ko. At tumama naman,” ani Torres, na mula sa Dipolog, Zamboanga del Norte.

“Malaki ang paghihirap ko na manalo ito kaya masarap ang feeling ko na makuha ang gold,” dagdag ng dating mixed martial artist at pinaka-beterano sa national team sa edad na 30.

“Torres has come full circle and she is deserving of her gold medal,” ani national team head coach Ace Larida. “She is the complete package and deserves that victory.”

Sa kabilang banda, magkahalong saya at lungkot ang naramdaman ni Sy sa naging resulta ng kanyang kampanya.

“I really, really wanted to win but it was not my day,” ani Sy habang umiiyak. “But I am proud of how the national team performed because we won three golds and saw how our sport practically grew from nothing.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles