NUEVA ECIJA – Kalaboso ang No. 9 Regional Most Wanted Person sa Region 2 matapos maaresto ng Philippine National Police (PNP) sa warrant operation sa Barangay Capintalan, Caranglan, Nueva Ecija noong Lunes, June 8.
Ayon sa PNP, nahaharap sa kasong Statutory Rape ang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Fred.”
Ang suspek ay 31-anyos na magsasaka, at residente ng Santa Fe, Nueva Vizcaya.
Inaresto siya sa bisa ng warrant of arrest. Ayon sa PNP, natunton ang kinaroroonan ng suspek sa pamamagitan ng intelligence monitoring efforts ng Santa Fe Municipal Police Station.
Lumabas din sa records na dati nang nakulong ang suspek sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City kaugnay ng kasong rape.
Pinalaya siya on probation noong 2023.
Matapos ang pag-aresto, dinala ang suspek sa kustodiya ng Santa Fe Police Station habang hinihintay ang turnover sa issuing court para sa kaukulang legal proceedings. /Bistado


