Walang preno sa shopping! Yan ang nalantad sa impeachment trial nitong Biyernes, October 9, matapos ilabas ang ilang credit card transactions ni Vice President Sara Duterte.
Umabot sa mahigit P1 milyon ang pitong credit card transactions sa mga Nike at Don Quijote stores sa Pilipinas, Japan at Malaysia, kabilang ang isang P205,000 restaurant bill sa Tokyo, na inilantad ni forensic financial analyst Atty. Alexander Cabrera.
“Meron po rin kami nakuha ng information tungkol sa kanilang credit card purchases,” ani Cabrera.
Batay sa Table 25 ng forensic report, umabot sa eksaktong P1,000,919.62 ang pitong transaksyong sinuri.
Sa Japan, tatlong purchases sa Mega Don Quijote ang umabot sa P239,887.83. Kabilang dito ang isang P111,109.24 transaction at dalawang purchases sa Shibuya na nagkakahalaga ng P62,900.95 at P65,877.64.
Sa iisang araw, August 12, umabot sa P128,778.59 ang ginastos sa Mega Don Quijote Shibuya. Parehong na-post ang dalawang transaksyon noong August 14.
Kilala ang Don Quijote sa Japan bilang discount retailer ng pagkain, cosmetics, damit, electronics at household products. Parang Miniso o Daiso ito dito sa Pilipinas, pero mas bongga sa laki.
Hindi pa natapos doon dahil hindi rin nagpahuli ang restaurant bill sa Tokyo!
Isang transaksyon sa Ginza Inakaya restaurant ang umabot sa 489,000 Japanese yen o katumbas na P205,007.29.
“Yung amount ay P205,000 pinambayad sa isang restaurant na isang transaction lang,” ani Cabrera. “Maaari pong dinner po sa Ginza, Inakaya, Tokyo, Japan,” dagdag niya.
Sa Pilipinas naman, halos P300,000 ang naitala sa Nike SM Davao Annex sa loob lamang ng isang araw.
Dalawang purchases noong December 27 ang nagkakahalaga ng P93,750 at P205,392, o kabuuang P299,142. Parehong na-post ang mga ito kinabukasan.
“In one day meron pong purchase from Nike, SM Davao,” ani Cabrera. Ang tanong ng madla: Aba, ilang sapatos binili mo sa isang araw maem?
May hiwalay pang Nike purchase sa Pavilion Kuala Lumpur sa Malaysia na umabot sa 18,746 Malaysian ringgit o P256,882.50.
Naitala ang transaksyon noong June 15 at na-post kinabukasan.
“One transaction worth P256,882.50 po,” sabi ng analyst.
Bahagi ang mga transaksyong ito ng pagsusuri ng prosecution sa pananalapi ng mag-asawang Duterte-Carpio. Hindi pa napapatunayan sa testimonya na ilegal ang mga naturang credit card purchases. /Bistado


