Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

P817.87-M undeclared assets, income ni VP Sara at asawa, ibinunyag sa impeachment trial

Umabot sa P817.87 milyon ang kabuuang assets at income na umano’y hindi idineklara nina Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio mula 2022 hanggang 2025, ayon sa forensic financial analyst na tumestigo sa Senate impeachment trial nitong Biyernes, October 9.

Sa pagtatanong ni House Prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno, inilahad ni Atty. Alexander Cabrera ang resulta ng kanyang pagsusuri sa bank records, insurance, investments, properties, tax returns at business interests ng mag-asawa.

Batay sa Table 39 ng kanyang forensic report, umabot sa eksaktong P817,874,867 ang pinagsamang undeclared assets at income sa loob ng apat na taon.

Kabilang dito ang P190,628,012 noong 2022, P167,337,227 noong 2023, P264,217,123 noong 2024 at P195,692,505 noong 2025.

Pinakamalaki ang natukoy na halaga noong 2024 na umabot sa P264.22 milyon. Binubuo ito ng P23.17 milyon sa cash, P52.02 milyon sa iba pang properties, P28.03 milyon sa computed personal income, P86.94 milyon na iniuugnay sa CALE88 at Metro City Chow, at P74.06 milyon na iniuugnay sa GenCorp.

Tiniyak ni Cabrera na walang dobleng pagbibilang sa kanyang computations.

“Ang aming method na ginamit dito ay very conservative. Yung aming inalagaan na wala pong double counting, wala pong duplication ng count,” paliwanag niya.

Nang usisain ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero kung pinagsama-sama lamang ang mga halagang hindi naideklara bawat taon, nilinaw ni Cabrera na isang beses lamang binilang ang bawat asset kahit lumitaw ito sa magkakasunod na SALNs.

“Ang ibig sabihin pag pumasok ang asset minsan, minsan lang po namin siyang binibilang. Hindi na po siya nauulit,” aniya.

Tinanong din ni Senator-Judge Bam Aquino kung may mga halagang nadala mula sa nakaraang taon na muling naisama sa computation.

“So this has no carry-over amounts,” sagot ni Cabrera.

Ayon sa analyst, limitado pa ang kanyang pagsusuri sa mga dokumentong naibigay sa kanya. Hindi kasama ang karamihan sa foreign-currency accounts, maliban sa dollar-account information ng CALE88 na ginamit sa analysis.

Sa kanyang konklusyon, tahasang sinabi ni Cabrera na hindi makatotohanan ang apat na Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Duterte.

“VP Sara Duterte’s SALN for the year 2022, 2023, 2024 and 2025 were untruthful with a substantial amount of assets belonging to the respondent and spouse found to be unreported,” pagbasa niya mula sa report.

“Her unexplained wealth based only on the limited documents examined, excluding documents in the possession of VP Sara and spouse, amount to ₱817.87-M,” dagdag niya.

Kinumpirma rin ni Cabrera sa pagtatanong ni Senate President Sherwin Gatchalian na dapat nakasaad sa SALN ng bawat taon ang kaukulang assets na hindi naideklara.

“Yung under declaration po per year, dapat din naka-reflect sa SALN niya ng mga taon,” aniya.

Nilinaw din ni Cabrera na ginawa niya ang forensic review nang libre at sa kanyang personal na kapasidad, sa kondisyong magiging independent ang pagsusuri at walang ipinangakong resulta sa prosecution.

Sa pagtatapos ng kanyang testimonya, tinanong siya ni Diokno tungkol sa kaugnayan ng integridad sa pagsunod sa batas.

“Ang pagsunod sa batas ay isa sa paraan kung paano ninyo ipakita ang inyong integridad,” ani Cabrera. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles