Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang Severe Tropical Storm Dujuan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), habang tuluyan nang nalusaw ang Low Area (LPA 09e) na naunang nagpaulan sa ilang bahagi ng bansa.
Sa update ng Pagasa alas-8 ng umaga nitong Biyernes, September 18, nananatili sa labas ng PAR ang Dujuan, na dating mino-monitor bilang LPA 09d.
Dakong alas-3 ng madaling araw, namataan ang bagyo 2,460 kilometro silangan ng northern portion ng extreme Northern Luzon. Taglay nito ang maximum sustained winds na 110 kilometers per hour at bugso na hanggang 135 kph habang mabilis na kumikilos northwestward sa 55 kph.
Ayon sa Pagasa, hindi inaasahang papasok sa PAR ang Dujuan at wala itong direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.
Samantala, nalusaw na pagsapit ng alas-8 ng umaga ang LPA 09e na naunang namataan sa coastal waters ng Dumaran, Palawan at kumikilos patungong West Philippine Sea.
Nauna itong nagdala ng cloudy skies na may scattered rains at thunderstorms sa Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Mimaropa, Batangas, Quezon at Bicol Region, kung saan nagbabala ang Pagasa sa posibleng flash floods o landslides dahil sa moderate hanggang paminsan-minsang heavy rains.
Isa pang weather disturbance, ang LPA 09f, ang mino-monitor ngayon sa labas ng PAR. Gayunman, “unlikely” itong maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.
Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, generally fair weather ang inaasahan ngayong weekend ngunit posible pa rin ang isolated rains o thunderstorms, partikular sa hapon at gabi, dahil sa localized thunderstorms. /Bistado


