Maganda ang umpisa ng Team Pilipinas sa 20th Asian Games sa Nagoya, Japan ngayong Martes.
Bagamat natalo sa Vietnam, umakyat sa podium para sa silver medal ang women’s sepak takraw doubles squad. Binubuo ito ng team captain na si Abegail Sinogbuhan, Jean Marie Sucalit at Nelly Jay Salon.
Nakarating sa finals ang Pilipinas matapos manalo kontra Laos sa semifinals, 15-12, 15-10.
Sa kabuuan, may 2-3-10 gold-silver bronze na ang Pilipinas sa huling update ng 10 a.m.
Nitong Lunes, nagdagdag ng tig-isang bronze ang sepak takraw men’s regu (Jason Huerte, Glindel Phori, Jom Lerry Rafael, Reynaldo Asilum Jr., at Ronsited Gabayeron) at ang Team Sibol sa esports event na Honor of Kings matapos matalo sa China sa semifinals, 0-2.
Bago ang Asiad, hinamon ng Pilipinas Sepak Takraw Association, Inc. (PSTAI) ang kanilang mga atleta na mag-uwi ng medalya o magbitiw na sa national team.
Ibinunyag noon ni PSTAI president Karen Tanchanco-Caballero sa isang media forum ang napagkasunduan nila ng mga miyembro ng national team.
“I’d like to share that there is already a courtesy resignation on all athletes if they do not come home with a medal,” pahayag ni Caballero noon.
“They are ready because they have to give way also. I mean, we have given them all the support they needed for so many years. So, it’s only fair for the Filipino taxpayers who pay for their allowances and support. We only expect the best performance from our athletes and coaches.”
Samantala, sigurado na ang bronze para kay Carlo Paalam sa men’s 55-kilogram boxing matapos umabante sa semifinals dahil sa split decision na panalo kay Jiamao Zhang ng China sa Nishio City General Gymnasium sa Aichi Prefecture.
Bumalik si Paalam sa Asian Games na may malinaw na layunin na higitan ang kanyang bronze medal finish sa 2018 Jakarta Asian Games.
Matapos ang halos isang taong pagkawala sa kompetisyon at hindi paglahok sa 2025 Southeast Asian Games sa Thailand, ipinakita ng Tokyo Olympic silver medalist na handa siyang muling humarap sa malaking entablado.
Agad ipinakita ng 28-anyos na si Paalam ang kanyang agresibong laro sa unang round, patuloy na sumusugod at itinutulak si Zhang patungo sa mga lubid.
Nagbunga ang kanyang agresibong simula nang tatlong hurado ang pumanig sa kanya sa round.
Susunod na makakaharap ni Paalam si Makhmud Sabyrkhan ng Kazakhstan, ang world champion noong 2025.
Nagkaharap na ang dalawa noong 2022, kung saan tinalo ni Paalam si Sabyrkhan sa pamamagitan ng 4-1 split decision sa bantamweight final ng 2022 ASBC Asian Elite Boxing Championships sa Amman, Jordan.


