Ililipat na ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) sa digital fund transfers ang cash gifts ng gobyerno para sa elderly Filipinos upang mapabilis ang paglalabas ng benepisyo sa ilalim ng Expanded Centenarians Act.
Ayon kay NCSC chairperson Ma. Merceditas Gutierrez nitong Lunes, makatatanggap na ang qualified beneficiaries ng cash gifts sa pamamagitan ng bank accounts, GCash virtual wallet, o Palawan remittance services bilang bahagi ng e-governance initiative ng pamahalaan.
“Hindi na iyong isa-isang binibigyan ang ating grantees ng cash gift (Beneficiaries will no longer receive their cash gifts through individual manual distribution),” sabi ni Gutierrez sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing.
Saklaw ng digital payout system ang benepisyo sa ilalim ng Republic Act No. 11982, o Expanded Centenarians Act.
Sa ilalim ng batas, may P10,000 cash gift ang elderly Filipinos na edad 80, 85, 90, at 95. Patuloy namang makatatanggap ng P100,000 mula sa gobyerno ang mga centenarian.
Ayon kay Gutierrez, inaasahang magiging mas efficient, accessible, at ligtas sa fraud at misuse ang paglipat sa digital payouts.
“May kasama ng built-in mechanism para sa identity verification, data validation at saka may audit mechanism,” sabi niya.
Para tulungan ang mga elderly Filipino sa bagong sistema, nagsasagawa ng digital literacy training ang 16 regional offices ng NCSC at nakikipag-ugnayan sa Office for Senior Citizens Affairs sa buong bansa.
Nagtayo rin ang Land Bank of the Philippines ng senior citizen assistance counters upang gabayan ang mga elderly client sa pagbubukas ng accounts at paggamit ng mga digital services.
Pwede ring magtalaga ang mga beneficiaries ng authorized relatives na tutulong sa applications at account-related requirements.
Kailangang magsumite ang applicants ng proof of age sa pamamagitan ng Philippine Statistics Authority-issued birth certificate at ilagay sa application form ang preferred mode of payment.
Kapag na-verify ang requirements, maaaring direktang mailipat ang cash gifts sa mga beneficiary sa pamamagitan ng pinili nilang digital platform, para mabawasan ang processing time at physical payouts. /Bistado


