Tinawag ni Sen. Rodante Marcoleta na malaking tagumpay para sa katotohanan at pananagutan ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Marcoleta, kahit may umano’y tangkang harangin ang paglalantad ng mga testigo, narinig pa rin ng publiko ang mabibigat na alegasyon ng mga dating sundalo at security aides ni dating Ako Bicol Rep. Elizaldy “Zaldy” Co.
“Matagal tayong hinahamon na maglabas ng ebidensya. Ngayon na may mga testigong humaharap at handang magsalita sa ilalim ng panunumpa, tila may mga puwersang gustong pigilan silang marinig ng sambayanan,” diin niya.
Sa pagdinig, lumutang ang mga alegasyon ng ilang dating Marines at security personnel tungkol sa umano’y pagdadala ng maleta na may malalaking halaga ng pera mula sa mga proyekto ng pamahalaan.
Ayon sa mga testigo, ang mga delivery ay umano’y nakarating sa matataas na personalidad sa gobyerno, kabilang sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, dating Speaker Martin Romualdez, at iba pang opisyal.
Giit ni Marcoleta, seryoso ang mga alegasyong ito at dapat imbestigahan nang buo, patas, at walang kinikilingan.
“Hindi sapat na basta itanggi lamang ang mga paratang. Ang hinihingi ng taumbayan ay isang patas, malaya at transparent na imbestigasyon,” aniya.
Sinabi pa ng senador na may iba pang testigong handang humarap sa susunod na mga pagdinig para magbigay ng karagdagang impormasyon at ebidensya tungkol sa umano’y malawakang katiwalian.
Kasabay nito, binatikos ni Marcoleta ang grupo ni dating Senate President Tito Sotto sa umano’y lantarang pang-aagaw ng kapangyarihan o “naked power grab” para agawin ang kontrol ng mga komite at pigilan ang Blue Ribbon Committee na dinggin ang testimonya ng mga dating sundalo.
Ayon kay Marcoleta, ang reorganization na pinangunahan ng minorya ay naglalayong patahimikin ang Blue Ribbon Committee sa paglalahad ng katotohanan.
“Kung walang itinatago, walang dapat ikatakot. Ang Senado ay dapat maging daluyan ng katotohanan, hindi tagapagtanggol ng sinumang nasa kapangyarihan,” dagdag niya.
Para kay Marcoleta, hindi maliit na usapin ang mga alegasyon dahil nakataya rito ang bilyun-bilyong pisong pera ng taumbayan.
Giit niya, dapat magpatuloy ang imbestigasyon para lumabas ang buong katotohanan at malaman ng publiko kung sino ang dapat managot. /Bistado


