Magtutuos muli ang hindi inaasahang lider na Rain or Shine sa siksikang Group B at kulelat na Barangay Ginebra sa PBA Season 50 Governors’ Cup ngayong Biyernes.
Magaganap ang rematch sa ganap na 7:30 p.m. sa Ninoy Aquino Stadium sa Manila.
Sa kartadang 4-2, ang Elasto Painters ang naging tampok na kuwento sa Group B.
Apat na sunod na panalo at sa iba’t ibang paraan: nilampaso ang Phoenix Super LPG, 105-98. Dinomina ang Ginebra, 110-99. Nakalusot sa Magnolia, 98-97. Inungusan ang Meralco, 85-83.
Iba ang kapalaran ng Ginebra, na nalaglag sa dalawang sunod na laro — 73-88 laban sa Magnolia at 88-97 kontra Meralco — habang pinagsabay nina coach Tim Cone, assistant Richard del Rosario at ilang mahahalagang manlalaro ang kanilang tungkulin sa national team.
Papasok naman si Jordan Murphy, na may taas na 6-foot-6, matipuno ang pangangatawan at kilala bilang isang double-double monster, kapalit ng nagpapagaling na si Justin Brownlee.
Dating all-time rebounding king ng Minnesota at beterano ng G-League, umaasa ang Ginebra na kayang punan ni Murphy ang mga puwang sa loob at kontrolin ang rebounds.
Sa unang laro sa ganap na 5:15 p.m., inaasahan ni Blackwater coach Patrick Aquino na dagdagan ng Bossing ang kanilang pagsisikap sa rematch kontra Magnolia Hotshots.
Target ng Hotshots ang ikaapat na sunod na panel na magtataas sa kanilang Group B record sa 5-3 at magpapalakas sa tsansa na mapabilang sa top four na uusad sa quarterfinals.
Kailangan din ng No. 4 Blackwater (3-3) na makapagtala pa ng mga panalo upang mapanatili sa likuran ang Meralco (3-5) at Ginebra (2-4).
“At least, nasa kamay pa rin namin ang destiny namin so iyon ang pinakamagandang scenario para sa amin ngayon,” ani Aquino.
“So it’s up to us kung paano kami mag-rise up to the challenge. Sana manalo pa ng manalo para something different naman for us. Kasi, if we do make it through, we’ll have that additional morale-booster na we deserve to be in the playoffs kasi ginagawa namin maganda.”
Alam din ni Aquino na ang kanilang 89-81 panalo kontra Magnolia sa unang pagtatagpo noong Hulyo 18 ay magsisilbing hamon para sa magkabilang panig.
“Magnolia would like to get back at us kasi tinalo namin sila. But I think we’ll be ready,” paliwanag ni Aquino. “We love competing with Magnolia. We know we could beat them so parang sa akin meron kaming advantage because of that. We just have to play our game lang.”
Gayunman, napatunayan ng Hotshots na malaki na ang kanilang inunlad mula nang matalo sa naturang laro, gaya ng ipinakita ng kanilang sunod-sunod na panalo laban sa Ginebra, Meralco at Phoenix Super LPG.
“Parang nakukukuha na nila. Siguro sa experience din na nangyari sa amin in the past na lagi kaming okay sa first and second and then third quarter dire-diretso nagkakaroon kami ng landslide,” ani Magnolia coach LA Tenorio matapos ang 115-101 panalo sa Fuel Masters noong Agosto 12.


