Tinanghal na CFO of the Year si Kerwin Max S. Tan, chief financial, risk and compliance officer ng Robinsons Land Corp. (RLC), sa 25th Global Edition ng Asia Business Leader of the Year Awards sa Singapore.
Mula noong 2016, pinamunuan ni Tan ang finance, risk, compliance at capital market operations ng property developer. Naging bahagi siya ng ilang malalaking transaksyong nagpalakas sa kapital at expansion ng kompanya.
Kabilang dito ang P13.2-bilyong bond issuance noong 2020 at ang P23.5-bilyong initial public offering ng real estate investment trust (REIT) ng RLC noong 2021—ang pinakamalaking REIT IPO sa Pilipinas noong panahong iyon.
Sinundan ito ng magkahiwalay na P15-bilyong bond offers noong 2022 at 2023, gayundin ng P8.5-bilyong RCR share block placement noong 2024. Ayon sa kompanya, nakatulong ang mga transaksyon sa pagpapalawak ng negosyo at nagpakita ng matatag na investor confidence.
“I see this recognition as a reflection of the work of the entire team,” ani Tan.
Binigyang-diin niyang mahalaga ang finance team sa paggabay sa mga desisyon ng RLC sa residential, office, mall, hospitality, logistics at mixed-use businesses nito.
Halos 30 taon nang may karanasan si Tan sa industriya. Bahagi ng kanyang trabaho ang pagsuporta sa Vision 5-25-50 ng RLC, na naglalayong maabot ang P25-bilyong net income pagsapit ng 2030, kasabay ng ika-50 anibersaryo ng kumpanya.
Pinuri naman ni RLC president at chief executive officer Mybelle V. Aragon-GoBio ang consistent at disiplinadong pamumuno ni Tan, na itinuturing niyang mahalagang pundasyon ng financial strength at pangmatagalang paglago ng kompanya. /Bistado


