Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DepEd, magsasagawa ng nationwide active-threat drill sa August 25

Sabay-sabay na susubukan ng mga paaralan sa buong bansa sa Martes, August 25, kung gaano kabilis silang makatutugon, makapaglilikas at muling mapagsasama ang mga estudyante at kanilang pamilya kapag may aktibong banta na gawa ng tao.

Inihayag ng Department of Education (DepEd) ang nationwide simultaneous drill kasunod ng naging assessment nito sa mga insidente ng pamamaril sa Tacloban at Zamboanga City.

Sa Senate hearing nitong Huwebes, sinabi ni DepEd Undersecretary Malcolm Garma na natapos na ng ahensya, katuwang ang Philippine National Police (PNP), ang mga protocol para sa drill. Una itong sinubukan sa Manila Science High School.

“We will be rolling out the nationwide simultaneous drill for August 25. Next week po yan, Madam Chair,” ani Garma.

Hindi tulad ng karaniwang earthquake drill, susubukan dito kung paano kikilos ang mga school personnel at estudyante habang nagpapatuloy ang isang human-induced threat, pati ang mga hakbang na gagawin pagkatapos ng insidente.

Pangunahing bahagi nito ang reunification stage, kung saan ituturo sa mga estudyante, magulang, medical responder at pulis ang mga itinalagang lugar na kanilang pupuntahan sa halip na magsiksikan sa paligid ng paaralan.

“Malaking bahagi po dun sa drills namin yung tinatawag po namin reunification stage kung saan alam ho ng mga involved kung saan pupunta, saan mag-iipon-ipon together with the medical responders, the police enforcers, nasa isang lugar,” paliwanag ni Garma.

Nabuo ang protocol mula sa naging assessment ng DepEd sa Tacloban shooting, kung saan naging magulo umano ang sitwasyon matapos ang insidente dahil hindi agad alam ng mga estudyante at magulang kung saan sila dapat pumunta.

“Isa pong bagay na natutunan namin at sana ma-institutionalize na po natin is really the need for the drills,” aniya.

Isasagawa ang nationwide exercise sa pakikipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay Garma, maaari ring magsilbing deterrent ang kahandaan ng mga paaralan kung alam ng mga posibleng attacker na may nakahandang procedure para sa agarang pagtugon sa karahasan.

Sinabi naman ni Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, na napipilitan nang paghandaan ng mga paaralan ang mga bantang lampas sa karaniwang natural disasters.

“It’s just sad, but a reality today na kailangan tuloy magkaroon ng protocols and drills on active human-induced threats. So hindi na lang po yung usual na earthquake drills natin na duck, cover and hold,” ani Hontiveros.

Gagamitin ng DepEd ang drill upang suriin kung epektibo ang protocol sa school level at matukoy ang mga kakulangan bago ito tuluyang gawing bahagi ng sistema. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles