Umabot na sa Senate Impeachment Court ang kontrobersiyal na pangalang “Mary Grace Piattos” sa pamamagitan ng acknowledgment receipt na isinumite ng Office of the Vice President kaugnay ng confidential funds ni Vice President Sara Z. Duterte.
Kinilala ni dating Commission on Audit–Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) state auditor Roderick Wamil ang dokumento bilang isa sa 845 acknowledgment receipts na sinuri niya para sa P125 milyong confidential fund ng OVP noong Disyembre 21 hanggang 31, 2022.
“This AR po is among the acknowledgment receipts submitted by the OVP to ICFAO,” testimonya ni Wamil matapos iharap ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan ang dokumento.
Nakalagay sa resibo, na minarkahan bilang exhibit ng prosekusyon, na tumanggap si Piattos ng P70,000 bilang “payment of rewards,” habang nakasulat sa panaklong ang “medicines.”
“Based from this acknowledgment receipt po, tumanggap si Mary Grace Piattos ng ₱70,000 for the payment of rewards—medicines,” ani Wamil.
Hindi umano matukoy sa resibo lamang kung gamot ang ibinigay bilang reward.
“Hindi ko po ma-determine based on this document. Iyon po kaya kami nagpapasubmit ng additional documents,” paliwanag niya.
Ayon kay Wamil, patunay ang acknowledgment receipt na nakatanggap ng bayad ang isang payee. Ngunit para sa informer rewards, hindi umano sapat ang resibo upang matugunan ang mga kinakailangan sa Joint Circular No. 2015-01.
Kailangan ng mga dokumentong magpapatunay sa tagumpay ng information-gathering o surveillance activity na nagmula sa impormasyong ibinigay ng informer.
“Dahil hindi po ito properly supported by documents evidencing success, which is required under Item 4.8.5 of Joint Circular 2015-01,” ani Wamil.
Hindi tumestigo si Wamil kung totoong tao si Piattos. Compliance audit lamang ang isinagawa ng ICFAO at hindi kabilang sa kanilang tungkulin ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng bawat recipient.
Sa naunang pagdinig sa Kamara, may mga certification mula sa Philippine Statistics Authority na nagsasaad na walang nakitang birth, marriage o death record para sa pangalang “Mary Grace Piattos.” Hiwalay itong ebidensiya na kailangan pang pormal na iharap at suriin ng impeachment court.
Pinayagan ng korte ang paggamit ng 19-pahinang tabulation ni Wamil sa halip na isa-isahin ang 845 resibong nakalagay sa tatlong kahon. Walang pagtutol ang depensa ngunit inilaan nitong kuwestiyunin ang katumpakan ng tabulation sa cross-examination.
Umabot sa P125.15 milyon ang nakatalang gastos—P150,000 na mas mataas sa P125 milyong cash advance.
“Based on the documents po, may discrepancy po ang acknowledgment receipts and the accomplishment report,” ani Wamil.
May resibo rin kay Renan Piatos na P110,000 na may petsang Disyembre 27, 2023, at kay Miko P. Harina na P295,000 para sa supplies na may petsang Disyembre 31, 2023—isang taon makalipas ang sakop ng cash advance.
Nilinaw naman ni Wamil na may ibang resibong nasa tamang panahon at para sa pagbili ng impormasyon, isang pinapayagang confidential-fund expense. Hindi niya itinuring na depektibo ang lahat ng resibo.
“Nag-issue po kami ng Notice of Suspension dahil hindi pa rin compliant ang kanilang submission,” ani Wamil. /Bistado


