Labinlimang kahon ng dokumento ang iniharap ng House prosecution kaugnay ng confidential funds ni Vice President Sara Z. Duterte sa ika-11 araw ng impeachment trial sa Senado.
“Labing-limang kahon ng ebidensya ukol sa confidential funds ng Bise Presidente ang iprinisinta ng prosecution,” ani House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong matapos ang pagdinig nitong Lunes.
Tinalakay sa pagdinig ang testimonya ni Atty. Roderick Wamil, dating state auditor ng Intelligence and Confidential Funds Audit Office ng Commission on Audit, tungkol sa mga dokumentong isinumite upang suportahan ang paggastos ng Office of the Vice President at Department of Education.
“Bilang unang witness sa Day 11, sumalang sa impeachment court si Atty. Roderick Wamil, ang former state auditor ng Intelligence and Confidential Funds Audit Office ng Commission on Audit o COA,” ani Alonto Adiong.
Sa pagbubuod ng prosekusyon, lumitaw umano sa testimonya ni Wamil na hindi tinukoy sa mga dokumento ang partikular na confidential activities na pinaglaanan ng pondo.
“Lumabas sa testimony ng witness na hindi idinetalye ang anumang confidential activity na pinaggamitan ng confidential funds,” ani Alonto Adiong.
Mahalaga umano ang mga detalyeng ito upang malaman ng mga auditor kung kabilang sa pinapayagang paggagamitan ang mga gastusin at kung nasunod ang kaukulang patakaran.
“At ayon sa witness, kailangan ng detalyadong confidential activity para malaman kung compliant ba itong mga ginastos na pondo o ang paggastos ng confidential funds,” dagdag niya.
Tinalakay rin ang confidential funds ng Department of Education (DepEd) noong kalihim pa ng kagawaran si Duterte. Nilinaw na limitado ang testimonya ni Wamil sa kanyang personal na kaalaman at audit period mula 2014 hanggang 2024.
Sa mga administrasyong saklaw ng kanyang panunungkulan, tanging sa pamamahala ni Duterte umano siya nakapag-audit ng confidential funds ng DepEd.
Natukoy rin ni Wamil ang mga certification na nilagdaan ni Duterte na nagsasaad na kailangan ang confidential funds at ginamit ang mga ito alinsunod sa batas. Hiwalay, gayunman, ang naturang certification sa pagsusuri kung sapat at naaayon sa patakaran ang mga supporting record.
Ipinakita rin ang mga acknowledgment receipt, kabilang ang isang P70,000 bayad sa pangalang “Mary Grace Piattos.”
“Naipakita din sa direct examination ng witness ang mga acknowledgment receipts kung saan nakapirma sina Mary Grace Piattos, Nova Santos, Renan Piatos at Mico Harina,” ani Alonto Adiong.
Bahagi ang mga dokumento ng Article I na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds—P500 milyon mula sa OVP at P112.5 milyon mula sa DepEd. /Bistado


