Bumagsak sa simpleng timeline at ebidensya ang alegasyong may mambabatas na tumanggap umano ng maletang puno ng pera mula sa kampo ni dating congressman Zaldy Co, ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
Ipinaliwanag ito ni Alonto Adiong matapos siyang maghain ng libel at cyberlibel complaints laban sa 18 indibidwal na tinukoy sa mga ulat bilang dating bodyguards ni Co kaugnay ng alegasyong may lawmakers na tumanggap ng cash-filled luggage.
“Matagal na yun e,” sabi ni Alonto Adiong sa Kwatro Alas program ng PRTV Prime Media.
“Pero ako nung lumabas ‘yung pangalan ko doon matagal na, a couple of months ago, hindi ko lang pinansin e,” dagdag niya.
Ayon kay Alonto Adiong, walang saysay ang claim na tumanggap umano siya ng pera noong 2023 dahil bagong halal pa lamang siya noon at wala pa siyang chairmanship o impluwensya sa House.
“Sabi ko bakit unang-una ‘yung sinasabi nila doon 2023 daw ako nabigyan, sabi ko I was practically a nobody in the House kasi I got elected in 2022 wala pa nga akong chairmanship noon e,” sabi niya.
“Kung baga practical na nobody, so ano yung utang na loob sa akin ni Zaldy (Co) para bigyan niya ako ng maleta and the Quad (Comm) started in late 2024,” dagdag niya.
“So kung titingnan mo hindi magkatugma e,” giit ni Alonto Adiong.
Nagpasya siyang magsampa ng kaso dahil hindi umano pwedeng basta mag-akusa ng public officials nang walang ebidensya at walang pananagutan.
“Napag-isipan ko sabi ko hindi, bigyan ng leksyon ‘tong mga to kasi hindi puwede you cannot just go around and then accuse anybody without facing the consequences of your action,” sabi niya.
Tinukoy din ni Alonto Adiong ang umano’y inconsistencies sa listahan ng mga inaakusahan, kabilang ang paglitaw ng ilang pangalan matapos lamang silang maging politically relevant.
“Klaro ‘yun e kasi may listahan doon halimbawa si Terry Ridon una, wala siya doon ‘yung original ibig kong sabihin nung unang lumabas kasi iyan kailan ba a couple of months ago, nung unang lumabas iyan si Terry Ridon wala tapos biglang nagkaroon ng Terry doon,” sabi niya.
“E sabi ko anong connection ni Terry Ridon kay Zaldy na para bibigyan siya doon e hindi naman siya congressman nung time na ‘yun,” dagdag niya.
Kinuwestyon din niya ang pagkakasama ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila De Lima dahil nakakulong pa ito sa panahong tinutukoy.
“Si Congresswoman Leila De Lima nakakulong pa,” sabi ni Alonto Adiong.
Ayon kay Alonto Adiong, hindi rin tugma ang sinasabing 2023 payoff sa timeline ng umano’y flood-control kickback issue.
“Kung babalikan natin kasi meron talagang issue doon sa flood control kaya nga nagkaroon ng independent flood control nung 2023, nagkaroon lang is 2024, saan kinuha ni Zaldy ‘yung 2023 na kumuha siya ng flood control kickback,” sabi niya.
“E started the supposed kickback started in 2025 GAA. E this one it happened in 2023 e saan niya kinuha iyon,” dagdag niya.
Giit ni Alonto Adiong, seryoso ang alegasyon dahil reputasyon ang tinatamaan, walang ebidensya, at sinasabi pang sa mismong House umano idineliver ang pera.
“Serious allegation to ha, kaya dapat talaga bigyan ng serious na attention. Kasi reputation, wala kang ebidensya, tsaka sinabi pa dineliver daw sa akin sa House, sa House of Representatives ang ganda noon ha, daming CCTV para alam ko anong taon yan, ano oras iyan,” diin niya. /Bistado


