Sakit sa puso ang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas sa unang tatlong buwan ng 2026, matapos makapagtala ng 23,448 nasawi, ayon sa pinakabagong provisional data ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Katumbas ito ng 21.2 porsiyento, o mahigit isa sa bawat limang naitalang pagkamatay mula January hanggang March. Sa kabuuan, 110,821 registered deaths ang naitala sa panahong ito.
Pumangalawa ang neoplasms, na kinabibilangan ng cancer, na may 10,977 deaths o 9.9 porsiyento. Pangatlo ang cerebrovascular diseases, kabilang ang stroke, na may 10,584 o 9.6 porsiyento.
Pang-apat ang pneumonia na may 8,913 deaths o 8 porsiyento, habang panglima ang diabetes mellitus sa 6,292 o 5.7 porsiyento.
Sumunod ang hypertensive diseases na may 6,038, chronic lower respiratory diseases na may 3,925 at other heart diseases na may 3,469.
Nasa ikasiyam ang respiratory tuberculosis na may 3,139 deaths. Sumunod ang iba pang diseases of the genitourinary system na may 3,109.
Nasa PSA data rin ang 267 deaths dahil sa assault, 198 mula sa other arthropod-borne viral fevers and viral haemorrhagic fevers, at 94 mula sa human immunodeficiency virus o HIV disease.
Provisional pa ang mga numero. Galing ang datos sa timely at late registered deaths sa city at municipal civil registrars sa buong bansa na isinumite at pinroseso ng PSA. Sakop nito ang mga pagkamatay sa Pilipinas mula January hanggang March 2026 batay sa datos na naproseso hanggang July 31.
Hindi kasama ang vital events ng mga Pilipino na nangyari sa ibang bansa. Kasama naman ang mga nangyari sa Pilipinas na sangkot ang foreign nationals at mga Pilipinong karaniwang naninirahan sa abroad.
Posible pang magbago ang mga numero dahil provisional pa ang resulta. Nakatakdang ilabas sa January 2028 ang final report. /Bistado


