Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Barangay, SK elections, postponed!

Postponed ang nakatakda sanang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa November 2, 2026.

Pinirmahan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12326 na naglipat sa susunod na BSKE sa ikalawang Lunes ng November 2028 at nagtakda ng limang taong termino para sa mga halal na barangay at SK officials.

Nilagdaan ni Marcos ang batas noong Huwebes, September 24, at inanunsiyo ito nitong Biyernes, September 25.

“Ang dagdag na panahon sa panunungkulan ay dagdag na panahon para maglingkod,” sabi ni Marcos.

“Sa paglagda natin sa Republic Act No. 12326, na nagtatakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan, malinaw ang ating inaasahan sa ating mga kasalukuyang opisyal. Gamitin ang panahong ito upang mas pagbutihin ang serbisyo, tapusin ang mga nasimulang programa at mas tutukan ang pangangailangan ng bawat komunidad, pamilya at kabataan,” dagdag niya.

Sa ilalim ng RA 12326, hanggang dalawang magkasunod na termino lamang sa parehong posisyon ang barangay officials. Isang termino naman sa parehong puwesto ang limitasyon sa SK officials.

Dahil sa dalawang taong extension, ituturing na nakumpleto ng incumbent elective barangay officials ang isang buong termino. Ang mga kasalukuyang nasa kanilang huling termino ay hindi na kuwalipikadong tumakbo sa parehong posisyon sa November 2028.

“Hindi ito dagdag na panahon sa puwesto. Dagdag itong panahon ng pananagutan sa taumbayan,” ani Marcos.

May itinakda rin ang batas kapag nabakante ang puwesto sa SK.

City o municipal mayor ang magtatalaga sa bakanteng SK membership, basta pasado ang appointee sa requirements ng Republic Act No. 10742, as amended. Hindi kasama rito ang SK chairperson, na papalitan sa pamamagitan ng succession.

Mananatili ring sakop ng kasalukuyan o susunod na investigations ang incumbent officials. Maaari silang patawan ng preventive suspension ng korte o competent authorities sa transition period.

Inaatasan din ang concerned agencies na magkaroon ng tuloy-tuloy na training programs para sa barangay at SK officials para sa continuity ng mga programa at pagtupad sa kanilang tungkulin.

Ang hindi nagastos na pondo mula sa mga naunang election budgets ay mananatiling continuing appropriations ng Commission on Elections para sa paghahanda sa 2028 National and Local Elections.

Epektibo ang RA 12326 matapos mailathala sa Official Gazette o newspaper of general circulation. Pagkatapos ng November 2028 BSKE, idaraos na ang regular barangay at SK elections kada limang taon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles