Natanggap na ng House prosecution panel ang mga bank at tax records ni Vice President Sara Duterte, ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio, at kanilang mga kumpanya na susuriin kaugnay ng unexplained wealth charge sa impeachment trial.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, lead prosecutor sa Article II, ibinigay ng Senate impeachment court nitong Miyerkules ang mga dokumentong tinawag niyang “last important pillar” ng ebidensya para sa naturang charge.
“Sa mga susunod pong mga araw, pag-aaralan at bubusisiin po namin ’yung lahat po ng mga dokumentong ito. At ito po ’yung nagko-constitute ng last important pillar ng mga ebidensya na gagamitin para sa unexplained wealth article,” sabi ni Ridon.
Kasama sa natanggap ang impormasyon mula sa anim na bangko at mga rekord ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na sumasaklaw kina Duterte, Carpio, at mga kumpanyang inuugnay sa mag-asawa.
Nauna nang nag-isyu ng subpoena ang impeachment court matapos nitong matukoy na may paunang batayan para ituring na mahalaga at may kaugnayan sa impeachment proceedings ang mga rekord na hinihingi ng prosecution.
“Pag-aaralan po namin ang lahat po ng bank accounts at tax documents ni Vice President Sara Duterte, ng kanya pong asawa, at ng kanya pong mga kumpanya para makita po natin kung magko-constitute ba itong mga ebidensya na ito para patunayan ’yun pong mga alegasyon sa unexplained wealth article po, which would constitute betrayal of public trust,” sabi ni Ridon.
Ihahambing ng prosecution ang mga rekord sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte at mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC). Layunin nitong suriin kung maipapaliwanag ang kanyang mga ari-arian at transaksyong pinansyal batay sa kanyang idineklara at lehitimong pinagkukunan ng kita.
Naghahanda na ang Article II team habang tinatapos ng prosecution ang paglalatag ng ebidensya sa umano’y maling paggamit ng P612.5 million confidential funds.
“Pero as far as the unexplained wealth team is concerned, naghahanda na po kami para pagpasok po ng gitna o hanggang dulo noon pong Setyembre, pwede na po kami maglatag ng ebidensya sa Senate impeachment court,” sabi ni Ridon.
Pinag-aaralan din ng prosecution kung itutuloy muna ang Article III tungkol sa umano’y bribery o didiretso na sa Article II upang paikliin ang paglalatag ng ebidensya. Wala pang pinal na desisyon at inaasahang magpapasya ang panel kapag natapos ang confidential funds presentation sa susunod na isa hanggang dalawang linggo.
“Speaking as the lead of unexplained wealth, tingin namin mas compelling ’yung charges ng unexplained wealth, but not to say na hindi mahalaga ’yung charges under bribery,” sabi ni Ridon.
Ayon din kay Ridon, sapat na para sa prosecution ang mga ebidensyang nailatag nito sa Article IV tungkol sa umano’y grave threats at Article I tungkol sa confidential funds.
“’Yun pong first two articles, tingin ko sapat na sapat na po ’yung mga ebidensya na inilatag po ng prosecution doon,” sabi niya.
Sa Article II, inaakusahan si Duterte ng betrayal of public trust dahil sa umano’y pag-ipon ng yaman na labis na hindi tugma sa kanyang lehitimong kita at umano’y hindi kumpletong pagdedeklara ng kanyang mga ari-arian sa SALN. Kailangan pa itong patunayan ng prosecution at pagpasyahan ng Senate impeachment court. /Bistado


