Hindi na ipipilit ng prosecution ang pagtestigo ni dating Department of Education (DepEd) special disbursing officer Edward Fajarda sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa kanyang kalagayan sa kalusugan.
Dahil dito, iniutos ni Senate impeachment court Presiding Officer Francis Escudero nitong Lunes, Setyembre 7, na bawiin na ang subpoena kay Fajarda matapos iurong ng prosekusyon ang kahilingan nitong obligahin siyang humarap sa paglilitis.
Kinumpirma ni private prosecutor Atty. Rey Robles ang desisyon matapos makatanggap ng medical update na beripikado ng medical personnel ng Senado.
Ayon kay Escudero, batay sa medical certificate na isinumite sa pamamagitan ng abogado ni Fajarda at kinumpirma ng Senate medical and dental director, kailangan pa nito ng 30 araw upang makarekober mula sa stroke.
“In view of the latest medical update and the confirmation by the doctors of the Senate, as a humanitarian consideration, we are going to dispense with the testimony of the witness and we wish him well,” ani Robles.
“Having withdrawn the request for subpoena for Mr. Edward Fajarda, the presiding officer hereby orders the recall of the subpoena issued to him,” pahayag naman ni Escudero.
Sinabi ni Robles na mayroon pa sanang mga tanong ang prosekusyon kay Fajarda bilang dating special disbursing officer at kinilala rin niyang maaaring may mga nais itanong sa kanya ang mga senator-judge.
Gayunman, pumayag ang prosekusyon na hindi na kunin ang kanyang testimonya dahil sa kanyang kalusugan, alinsunod sa mga napag-usapan sa paglilitis.
Bago tuluyang iurong ang kahilingan, hiniling ni Robles na maipakita sa mga senator-judge ang ilang bahagi ng naunang testimonya ni Fajarda sa House of Representatives. May kinalaman ang mga ito sa perang ibinigay umano kay DepEd security officer Col. Dennis Nolasco at kung sino ang nagbigay ng awtoridad kay Nolasco na hawakan ang pondo.
Tinukoy ni Robles ang transcript ng pagdinig sa Kamara noong Nobyembre 25, 2024, na aniya’y na-markahan na bilang prosecution exhibit.
Sa testimonya ni Fajarda na binasa ni Robles, sinabi ng dating opisyal na karaniwang lingguhan at hindi minsanan ibinibigay ang pera. Nang tanungin kung magkano ang karaniwang halaga kada linggo, tinaya niya itong nasa P4 milyon hanggang P6 milyon.
Binanggit din ni Robles ang mga bahagi sa pahina 74, 77 at 81 ng transcript tungkol sa pagbibigay ng cash sa security officer, kabilang ang tanong kung nag-withdraw si Fajarda ng pera at ibinigay ito kay Nolasco. Nilinaw ni Fajarda sa isang sagot na hindi niya ibinigay nang minsanan ang buong halaga.
Tinukoy rin ng prosekusyon ang palitan ng tanong at sagot kay Fajarda tungkol sa kung sino ang nagbigay ng awtoridad kay Nolasco na mag-disburse ng pera.
“Your Honor, si VP Sara po,” sagot ni Fajarda sa naunang testimonya na binasa ni Robles. /Bistado


