Pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang 30 hanggang 60 araw na suspensiyon sa pag-isyu ng import clearances para sa ilang pork products upang maibsan ang epekto ng pagdagsa ng imports sa mababang farmgate prices ng lokal na baboy.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., maaaring ipatupad sa November ang hakbang para sa kasim, liempo, pigue, jowls at buong baboy.
Hindi sakop ng panukala ang mga shipment na nabayaran na o nakarating na sa bansa. Hinihintay pa ng DA ang legal na pagsusuri bago ito ipatupad.
Nauna nang pinag-aralan ang safeguard duty sa imported pork, ngunit hindi pa naaabot ang kinakailangang 25 porsiyentong pagtaas ng imports. Nasa 6 hanggang 7 porsiyento lamang ang itinaas ng pork imports kumpara noong nakaraang taon.
Samantala, nasa P120 hanggang P160 kada kilo ang farmgate price ng buhay na baboy sa ilang lugar. Sinusuportahan ng DA ang panukalang P210 kada kilo na floor price ng industriya, ngunit wala itong legal na kapangyarihang gawing mandatory ang naturang presyo.
Sa piling pamilihan sa Metro Manila noong October 20, nasa P300 kada kilo ang pork ham, P370 ang liempo, P240 ang frozen kasim at P300 ang frozen liempo.
Layunin ng mga hakbang na mabawasan ang pagkalugi ng lokal na hog raisers habang napapanatili ang sapat na suplay ng baboy sa merkado. /Bistado


