Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

PNP: Pagsabog sa DOJ, kahina-hinalang device sa Senado, posibleng magkaugnay

Magkasunod na insidenteng may kinalaman sa pinaghihinalaang pampasabog ang naganap malapit sa dalawang tanggapan ng gobyerno ilang oras bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes.

Isang pagsabog ng pinaghihinalaang dulot ng improvised explosive device o IED ang naganap malapit sa entrance ng main office ng Department of Justice (DOJ) sa Padre Faura Street, Ermita, dakong 12:17 a.m. Walang naiulat na nasawi o nasugatan.

Agad na rumesponde ang Philippine National Police Explosive Ordnance Disposal (PNP EOD) unit upang siguruhin ang lugar at magsagawa ng technical examination. Sinusuri rin ang closed-circuit television footage upang matukoy ang pinagmulan at sanhi ng pagsabog.

“Investigation is ongoing to determine the source, nature, and circumstances surrounding the explosion,” pahayag ng DOJ.

“The situation is currently under control, and the DOJ compound remains secure. The DOJ remains committed to ensuring the safety and security of its personnel and the general public, while supporting a comprehensive and impartial investigation,” pagtitiyak ng ahensya.

Makalipas ang ilang oras, nakakita naman ang towing personnel ng kahina-hinalang package sa labas ng Senate premises sa Pasay City, sa may Diokno Boulevard at humigit-kumulang 150 metro mula sa gate. Bandang 8 a.m. ito napansin malapit sa likurang gulong ng towing truck.

Ayon kay Senate Office of the Sergeant-at-Arms chief Alfred Corpus, unang binuksan ng towing personnel ang tila maliit na kahon at nakita ang bagay na may mga wire at battery. Sa pag-inspeksyon, natagpuan umano ang battery, clamp, plastic cup at brown powder.

Rumesponde ang EOD team at siniguro ang lugar. Dinala ang package sa Scene of the Crime Operatives upang matukoy kung isa nga itong IED. 

Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na may “big possibility or probability that the two (incidents) are related,” ngunit nilinaw na patuloy pa ang imbestigasyon.

Inamin din niyang may nakahandang contingency plans ang pulisya para sa “bomb threats, actual bombings and other (things)… something got past us and exploded in front of the Department of Justice.”

Nag-utos si Senate President Sherwin Gatchalian ng mas mahigpit na seguridad at buong imbestigasyon. Paiigtingin ang inspeksyon sa mga pumapasok at magdadagdag ng mga tauhan sa loob at paligid ng Senate complex habang wala pang opisyal na findings.

Naganap ang mga insidente sa gitna ng pinaigting na seguridad para sa SONA sa Batasang Pambansa, habang libo-libong pulis ang nagbabantay sa mahahalagang instalasyon at pangunahing lansangan.

Sa ngayon, wala pang kumpirmadong motibo, salarin o tiyak na ugnayan ang pagsabog sa DOJ at ang kahina-hinalang package sa Senado. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles