Mas maraming gamot, laboratory test at serbisyong pangkalusugan ang target na maihatid sa mga Pilipino. Yan ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
“Daig ng maagap ang masipag,” diin ni Marcos habang itinutulak ang preventive healthcare sa pamamagitan ng Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP ng PhilHealth, katuwang ang Department of Health.
Palalawakin ang YAKAP sa pagdagdag ng mga accredited clinic upang mas maraming Pilipino ang makapagpakonsulta at makakuha ng serbisyong tutuklas at tutugon sa sakit bago pa ito lumala.
Palalakasin din ang Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment o GAMOT Program. Sa ilalim nito, maaaring kumuha ang miyembro ng mahahalagang gamot mula sa mahigit 2,000 accredited providers, na may benefit limit na P20,000 bawat taon.
Sakop ngayon ang 75 gamot, kabilang ang antibiotics at mga gamot para sa asthma, altapresyon, cholesterol, diabetes, ubo, lagnat at iba pang karaniwang karamdaman.
Simula sa susunod na taon, unti-unting isasama ang iba’t ibang blood test at gamot para sa mas maagang pagtukoy at pagbabantay sa posibleng sakit sa bato, atay at thyroid, pati Hepatitis B.
Palalawakin din ng PhilHealth ang sakop nitong mga sakit, kondisyon at serbisyo habang itinataas ang benefit limits upang makasabay sa tumataas na gastusin sa pagpapagamot. Kabilang sa pinalawak na suporta ang kanser, sakit sa puso, HIV at AIDS.
“Pati na rin ang tuberculosis, na kumikitil ng halos isandaang buhay bawat araw dito sa atin,” sabi ng Pangulo.
May dagdag na ginhawa rin para sa mga batang may developmental disabilities. “Dodoblehin natin ang PhilHealth package para sa pagpapatingin at sa therapy,” aniya.
Mula sa 90, gagawing 150 ang therapy sessions na sasagutin ng PhilHealth. May nakahanda ring karagdagang tulong-pinansyal mula sa Project Aruga ng Department of Social Welfare and Development.
Iniulat din ni Marcos na mula sa mahigit limang milyong pamilyang gumamit ng PhilHealth noong 2022, lumampas sa 7.5 milyon ang nakinabang nitong nakaraang taon. Halos tatlong milyong Pilipino naman ang walang binayaran sa pagpapagamot sa mga ward ng DOH hospitals sa ilalim ng zero-balance billing mula nang ilunsad ito matapos ang huling SONA.
Mahigit walong milyong pasyente na rin ang natulungan ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients o MAIFIP. Sa e-MAIFIP, dalawang requirement na lamang ang kailangan sa mga ospital ng DOH at sa eGovPH app—wala nang kailangang political guarantee letter.
Kasabay nito, palalawakin pa ang Bagong Urgent Care and Ambulatory Services o BUCAS at mga specialty center.
“At magsisimula na rin tayong iguhit ang plano para makapagtayo ng isang Virology and Vaccine Institute dito sa bansa,” ani Marcos.
Palalawakin din ang medical scholarship programs, kapalit ang paglilingkod ng mga iskolar sa mga pampublikong ospital pagkatapos nilang magtapos. /Bistado


