Patuloy na pinalalakas ng Philippine National Police (PNP) ang disaster response operations matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao, habang nagpapatuloy ang rescue, relief, security support, at early recovery efforts sa mga apektadong lugar.
Batay sa update ng PNP as of 2 p.m., nasa 2,488 police personnel ang nananatiling naka-deploy sa disaster response operations sa buong bansa.
Nakalat ang mga pulis sa evacuation centers, apektadong komunidad, at critical infrastructure sites para tumulong sa evacuation management, security coverage, relief distribution, at koordinasyon sa local government units at partner agencies.
Ayon sa PNP, 1,705 evacuation centers ang na-activate, habang 37 dito ang kasalukuyang okupado.
Nasa mahigit 5,900 pamilya o higit 22,900 indibidwal ang nananatili sa temporary shelters.
Tumutulong ang police personnel para mapanatili ang kaayusan sa evacuation centers at matiyak na maayos at ligtas ang pamamahagi ng relief goods.
Patuloy din ang search, rescue, and retrieval operations.
Ayon sa PNP, anim na coordinated missions na ang naisagawa.
Umabot na sa 147 indibidwal ang nasagip, habang 15 bangkay ang naretrieve.
Nilinaw ng PNP na ang reported fatalities ay subject for validation pa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, katuwang ang concerned agencies, bilang bahagi ng standard verification procedures.
Isinasailalim din sa validation at documentation ang civilian casualties, kabilang ang reports ng injuries at missing persons, para matiyak ang accurate reporting.
Wala namang casualty na naiulat sa hanay ng PNP personnel.
Patuloy ding mino-monitor ang pinsala sa infrastructure.
May damage na naiulat sa commercial establishments, government facilities, schools, hospitals, bridges, residential houses, at places of worship.
Naitala rin ang transportation disruptions, kabilang ang 16 cancelled flights at limited airport facility damage sa mga apektadong lugar.
May ilang road networks at bridges pa ring isinasailalim sa assessment para sa safety clearance.
May power interruptions ding naiulat sa isolated areas, kabilang ang ilang bahagi ng Sarangani.
May logistics at mobility challenges pa rin sa ilang lokalidad dahil sa mga rutang pansamantalang hindi madaanan.
Kahit may ilang police facilities na nasira, kabilang ang stations at regional offices, sinabi ng PNP na hindi naapektuhan ang operational capability nito.
Suportado pa rin umano ang operasyon ng available mobility assets, communication equipment, at standby logistics support.
Sa usapin ng peace and order, sinabi ng PNP na nananatiling stable ang sitwasyon.
Wala pang naiuulat na looting o iba pang security-related disturbances as of the reporting period. /Bistado


