Kumasa ang PLDT Inc. sa artificial intelligence (AI) at automation para pabilisin ang serbisyo habang patuloy na tumataas ang demand sa 5G, broadband at satellite connectivity sa buong bansa.
Gamit ang UiPath Platform, naglatag ang telco giant ng tatlong AI-powered tools na target bawasan ang service delays, pabilisin ang access sa impormasyon at pataasin ang productivity ng workforce.
Pinakamabilis sa mga bagong system ang KAI, na kayang paikliin ang knowledge retrieval mula sa dating umaabot ng limang araw tungo sa isa hanggang tatlong segundo lamang.
Samantala, pinagsasama naman ng Ellie ang mga dating magkakahiwalay na internal workflows upang mas maging mabilis at organisado ang proseso sa loob ng kumpanya.
Ginagamit na ang ERICA mula pa noong February 2026 upang suportahan ang risk management operations ng PLDT.
Ayon kay Karl Crowther ng UiPath, mahalaga ang AI adoption habang tumataas ang expectations ng customers sa lumalawak na digital economy.
Sinabi naman ni PLDT executive Gilbert Gaw na bahagi ang paggamit ng AI at automation sa modernization ng operasyon ng kumpanya at pagpapahusay sa suporta nito sa lumalaking digital connectivity needs ng bansa.
Sa patuloy na pagsirit ng demand sa mas mabilis at mas maaasahang internet, umaasa ang PLDT na makatutulong ang mga bagong tool upang mas mabilis na maiproseso ang impormasyon at mabawasan ang bottlenecks sa serbisyo. /Bistado


