Kikilos ang PLDT sa show-cause order ng National Telecommunications Commission (NTC) laban sa Smart Communications kaugnay ng mobile broadband service nito sa ilang bahagi ng Metro Manila, pero hinihintay pa ng kumpanya ang opisyal na kopya.
Sa disclosure ng PLDT, sinabi nitong hindi pa natatanggap ng wholly owned subsidiary nitong Smart ang naturang order.
“We clarify that, as of this writing, Smart Communications, Inc. (“Smart”), a wholly owned subsidiary of PLDT, has not received the Show Cause Order referred to in the news article,” ayon sa PLDT.
Dahil wala pa ang dokumento, sinabi ng kumpanya na hindi pa makapagkomento ang Smart sa iniulat na P100,000 daily penalty, pati sa terms, applicability at posibleng epekto nito sa negosyo at operasyon.
“Accordingly, Smart is not in a position at this time to confirm or comment on the reported penalty, including its terms, applicability, or potential impact on the business and operations of Smart,” ayon sa PLDT.
Kapag natanggap na ang show-cause order, rerepasuhin ito ng Smart at tutugon sa NTC sa pamamagitan ng naaangkop na regulatory channels.
Nauna nang sinabi ng NTC na naghanda ito ng show-cause orders laban sa Smart, Globe Telecom at DITO Telecommunity matapos lumabas sa September revalidation na nanatiling problema ang mobile broadband performance sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Para sa Smart, tinukoy ang Parañaque, Manila at Pasig.
Ayon sa NTC, walang nakitang measurable improvement sa September tests kumpara sa validation activities noong una at ikalawang quarter ng 2026.
Iniulat ng regulator na P100,000 kada araw ang penalty sa bawat telco hanggang maitama ang identified service deficiencies.
Sa tatlong telco, nakumpirma ng DITO na natanggap na nito ang show-cause order at nakikipag-usap na sa NTC tungkol sa nilalaman nito. Sinabi rin ng Globe na hinihintay pa nito ang sariling order.
Sa panig ng PLDT, nangako ang kumpanya na maglalabas ng kinakailangang disclosures sakaling magkaroon ng material developments kaugnay ng usapin. /Bistado


