Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Piso promo sa LRT-2!

Piso na lang ang netong pamasahe sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) para sa mga kuwalipikadong gumagamit ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) cards sa ilalim ng bagong fare cashback promo.

Mula July 13 hanggang 31, saklaw ng promo ang kuwalipikadong RCBC Visa at Mastercard credit o debit cards at MySSS Card powered by RCBC DiskarTech.

Ita-tap lamang ng pasahero ang kuwalipikadong contactless card sa turnstile sa pagpasok at paglabas ng LRT-2 station.

Unang ibabawas sa account ang regular na distance-based fare. Ibabalik bilang cashback ang diperensiya para P1 lamang ang netong bayad sa bawat kuwalipikadong biyahe.

Batay sa promo mechanics, awtomatikong papasok ang cashback sa account sa loob ng tatlong banking days mula sa biyahe. Hanggang walong matagumpay na LRT-2 trips bawat araw ang saklaw ng piso fare. Regular na pamasahe na ang sisingilin sa ikasiyam at mga susunod na biyahe sa parehong araw.

Inilunsad ang promo kasabay ng LRT-2 Digital Fare Payments Proof of Concept (POC) sa Legarda Station noong Lunes, July 13.

Hinikayat ni Finance Secretary Frederick Go ang commuters na samantalahin ang piso fare hanggang sa katapusan ng promo. Inilarawan niya ang bagong sistema bilang moderno, mabilis at episyente.

Ayon kay Go, tugon ang programa sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas madali, mura at komportable ang araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

Hindi lamang RCBC cards ang puwedeng gamitin sa bagong digital payment system. Maaari ring mag-tap sa fare gate ang commuters gamit ang kuwalipikadong contactless Visa o Mastercard mula sa ibang bangko.

Puwede rin silang magbayad sa pamamagitan ng pag-scan ng QR code gamit ang GCash. Layunin nitong bigyan ang commuters ng mas maraming paraan ng pagbabayad gamit ang bangko, card o app na mayroon na sila.

Pinagtulungan ang POC ng Department of Finance (DOF), Department of Transportation (DOTr), Light Rail Transit Authority (LRTA), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Land Bank of the Philippines (LandBank) at RCBC katuwang ang Visa.

Susubaybayan sa loob ng isang taon ang takbo ng digital fare system at ang tugon ng commuters. Gagamitin ang resulta sa pag-aaral kung palalawakin ang sistema sa iba pang linya ng tren. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles