Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Pinas umarangkada sa PISA 2025, pinakamalakas na performance mula 2018

Umangat ang performance ng Pilipinas sa 2025 Programme for International Student Assessment (PISA), na pinakamalakas na resulta ng bansa mula nang unang lumahok noong 2018, ayon sa Department of Education (DepEd).

Inilabas ni Education Secretary Sonny Angara nitong Martes, September 8, sa Caloocan City Science High School ang national results ng PISA, kung saan tumaas ang scores ng Pilipinas sa Reading, Mathematics at Science.

Ang PISA ay international assessment ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) na sumusukat sa skills ng mga 15-anyos na mag-aaral sa Reading, Mathematics at Science sa mahigit 90 bansa at ekonomiya.

Umabot sa 8,072 na 15-year-old learners mula sa 208 regular public schools, public science schools at private schools ang lumahok sa 2025 PISA.

Sa pinakahuling resulta, nakakuha ang Pilipinas ng 373 sa Science, 371 sa Mathematics at 367 sa Reading.

Mas mataas ito kumpara sa PISA 2022. Nadagdagan ng 17 puntos ang Science, 16 puntos ang Mathematics at 20 puntos ang Reading.

“Dulong-dulo tayo noong 2018 actually, pero noong 2025, medyo umarangkada na ang Pilipinas. So, sa lahat ng domain- Science, Reading, and Math- tumaas tayo,” ani Angara.

Pinakamalaki ang naging pag-angat sa Reading, kung saan nalampasan ng Pilipinas ang 18 bansang dating mas mataas ang score.

Kabilang dito ang El Salvador, Kyrgyzstan, Indonesia, Kosovo, Jordan, Guatemala, Paraguay, Lebanon, Armenia, Zambia, Cambodia, Morocco, Dominican Republic, Kenya, North Macedonia, Iraq, Palestinian Territories at Rwanda.

Sa Mathematics, nalampasan naman ng Pilipinas ang 16 bansa: Argentina, Ecuador, Cambodia, Indonesia, Kyrgyzstan, Morocco, Kosovo, Dominican Republic, Palestinian Territories, El Salvador, Iraq, Guatemala, Paraguay, Kenya, Zambia at Rwanda.

Sa Science, nalampasan ng bansa ang 14 na kalahok: Lebanon, Armenia, Morocco, Kosovo, Kyrgyzstan, Paraguay, Dominican Republic, Palestinian Territories, Iraq, Guatemala, Zambia, Kenya, Tajikistan at Rwanda.

Mas marami ring Filipino learners ang umabot sa Level 2 o mas mataas, ang baseline proficiency level na sinusukat ng PISA.

Sa Science, umakyat sa 32 porsiyento mula 23 porsiyento noong 2022 ang mga mag-aaral na umabot sa Level 2 o mas mataas.

Sa Mathematics, tumaas ito sa 21 porsiyento mula 16 porsiyento, habang sa Reading ay naging 31 porsiyento mula 24 porsiyento.

“Isa itong mahalagang tagumpay para sa ating mga mag-aaral, mga guro, at sa buong sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Ngunit higit pa sa mga numero, nakikita natin ang malinaw na ebidensiya na kayang umunlad ng ating mga mag-aaral at makamit ang tunay at makabuluhang progreso,” ani Angara.

“Dapat nating ipagmalaki kung gaano na kalayo ang narating ng ating mga mag-aaral at guro, ngunit dapat tayong maging mas determinado sa kung gaano pa tayo kalayo makararating,” dagdag niya.

Ayon sa 10-year trend analysis ng OECD, Pilipinas ang fastest improving country sa reading performance. Kabilang din ito sa mga bansang nakapagtala ng malaking improvement sa Mathematics.

Sa Science naman, patuloy ang pangmatagalang pag-angat ng Pilipinas kahit bumaba ang performance sa larangan sa maraming bansa sa buong mundo.

Nagpaabot din ng pagbati si OECD Director for Education and Skills Andreas Schleicher sa mga guro at school leaders sa bansa.

“My warmest congratulations to the teachers and school leaders of the Philippines because what you have achieved in this latest round of OECD’s PISA assessment is not just good news for the Philippines, it’s a story that deserves to be noticed far beyond your borders,” ani Schleicher.

Sa hiwalay na mensahe, sinabi rin niya na kapansin-pansin ang bilis ng pag-unlad ng Pilipinas sa Reading.

“It’s not just good news for the Philippines. It’s a story that deserves to be noticed far beyond your borders,” sabi niya.

“Since PISA assesses the knowledge and skills of 15-year-olds in 2022. No country has improved its reading skills faster than the Philippines.”

Binigyang-diin din ng OECD na hindi simpleng statistical fluctuation ang nakitang pag-angat.

“We’re not talking about statistical noise here. Even if the road to the world’s most advanced school system is still very long, we’re seeing a school system on the move,” ani Schleicher.

Ayon pa sa kanya, tinaya ng researchers sa Stanford University na kung lahat ng 15-anyos na Pilipino ay aabot man lamang sa PISA baseline Level 2, maaari itong magdagdag ng humigit-kumulang US$14 trilyon sa ekonomiya ng Pilipinas sa kabuuang working life ng mga mag-aaral.

“Researchers at Stanford University estimate that if every 15-year-old in the Philippines reaches at least the PISA baseline level 2, that would add around USD 14 trillion to the economy of the Philippines over the working life of those students,” ani Schleicher.

Iniuugnay ng DepEd ang pag-angat sa education reforms at remediation measures, kabilang ang pagtutok sa basic skills gaya ng reading, writing at arithmetic.

“Yung direksyon talaga ng Presidente galvanized us to help the students, help the teachers,” ani Angara.

“Sabi ni Presidente, let’s focus on the basics- reading, writing, arithmetic. This course reflects improving the basics and remediation.”

Binanggit din ni Angara ang pagbibigay ng mas maraming teaching time sa mga guro sa pamamagitan ng pagbawas ng administrative workload, pagpapahusay ng curriculum at paggamit sa mga natutunan mula sa PISA results noong 2018 at 2022.

Ayon naman kay DepEd Undersecretary Malcolm Garma, malaking bahagi ng paghahanda para sa PISA 2025 ang pagtutulungan ng private sector, local government units, barangay, mga magulang at iba pang education stakeholders.

“One of the significant values added for the 2025 preparation is lahat tumulong,” ani Garma.

“This is why we recognize our partners, the private sector, up to the barangay level kung makikita niyo ho pati magulang ng PISA takers.”

Binanggit din ng DepEd ang paghahanda sa emotional at psychosocial well-being ng mga mag-aaral, pati ang pagpapamilyar sa kanila sa PISA environment gamit ang PISA-type quizzes, examinations at computer devices.

Gayunman, sinabi ng kagawaran na marami pang kailangang gawin, kabilang ang pagpapaliit ng equity gap sa performance ng learners at pagpapatuloy ng suporta sa mga guro at paaralan.

Umaasa rin ang DepEd na mapananatili ang PISA gains at madaragdagan ang pondo para sa mahahalagang programa gaya ng remediation sa ilalim ng ARAL at school safety. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles