Isinusulong ng Department of Agriculture (DA) ang mas malawak ngunit mas patas na kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam, lalo na sa bigas, matapos mangako sina President Ferdinand Marcos Jr. at Vietnam President Tô Lâm na palakihin ang bilateral trade sa USD20 bilyon mula sa kasalukuyang USD15 bilyon.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., pinag-aaralan na ng Pilipinas kung paano mapapalakas ang export ng mga produktong Pilipino sa Vietnam habang inaayos ang matagal nang isyu sa mga agricultural trade agreement, partikular sa rice sector.
Vietnam pa rin ang pangunahing pinagkukunan ng imported rice ng Pilipinas. Dahil dito, lumobo ang trade deficit na tinatayang nasa USD2.7 bilyon, mas pabor sa Vietnam.
Bukod sa pagpapataas ng trade volume, itinutulak din ng Maynila ang mas mahigpit na mekanismo sa contract enforcement para maging mas predictable ang agricultural transactions ng dalawang bansa.
“Isa sa mga pangunahing isyu ay kapag tumataas ang presyo, karaniwang kinakansela ng panig ng Vietnam ang kontrata,” ani Tiu Laurel sa pakikipagpulong sa mga opisyal ng Vietnam.
Ayon sa kalihim, ilalatag ang usaping ito sa mga susunod na bilateral meetings habang sinusubukang gawing mas maaasahan at mas episyente ang trade arrangements ng dalawang pamahalaan.
Dahil sa problema sa contract enforcement, sinabi ni Tiu Laurel na ang industry stakeholders at government agencies ng Pilipinas ay nakikipag-usap na sa Vietnam sa mas koordinadong paraan.
Kinilala naman ni Vietnamese Minister of Industry and Trade Le Manh Hung ang concern at tiniyak sa Philippine officials na dadalhin ito sa Ministry of Agriculture and Environment ng Vietnam para sa mas detalyadong pagtalakay.
Sa meeting, binigyang-diin din ni Tiu Laurel ang direktiba ng dalawang Pangulo na palakasin ngayong taon ang bilateral technical mechanisms ng Joint Trade Committee at Joint Committee on Agriculture.
Layunin nitong magkaroon ng mas regular at mas malinaw na pag-uusap sa mga isyu at alalahanin ng magkabilang panig.
Nangyayari ang mga pag-uusap habang sinusubukang palalimin ng Pilipinas at Vietnam ang economic ties at food security cooperation sa Southeast Asia.
Binigyang-diin din ni Tiu Laurel ang mas malapit na koordinasyon bago ang European Union audit na nakatakda sa September. Ayon sa kanya, mas matibay na pagtutulungan ang kailangan para mapadali ang daloy ng agricultural trade at mapahusay ang pagsunod sa global standards.
Para sa Pilipinas, hindi lang ito usapin ng mas maraming kalakal. Layunin din nitong buksan ang mas malaking market para sa Philippine exports, ayusin ang imbalance sa trade, at gawing mas matatag ang supply arrangements sa bigas. /Bistado


