Masigasig na nagsasanay ang Philippine Under-23 Men’s National Football Team (PMNFT U23) sa pagbabalik nito sa Asian Games sa unang pagkakataon mula noong 1974.
Huling lumahok ang bansa sa ikapitong edisyon ng quadrennial sports meet na ginanap sa Tehran, Iran.
Tinawag ng PMNFT U23 ang 29 manlalaro para sa national team pool habang naghahanda sa Adidas Football Park sa Pasay City at Rizal Memorial Stadium sa Maynila.
Bilang bahagi ng paghahanda, naglaro ang PMNFT U23 sa isang friendly match noong Setyembre 6 laban sa Stallion Laguna ng Philippines Football League, na pinangungunahan ng runner-up sa Golden Boot noong nakaraang season na si Finn McDaniel.
Nanalo ang U23 squad, 2-0. Ang mga forward na sina Janjan Jalique at Aidan Astilla-Boronda ang umiskor para sa national squad.
Para higit pang mapalakas ang kahandaan ng PMNFT U23, inilipat ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa Oktubre ang pagbubukas ng Season 89 men’s football tournament
Kabilang sa mga UAAP player na nasa national pool sina Fonsi Gonzalez, Joshua Meriño, at Jian Caraig ng University of the Philippines (UP); sina Dov Cariño at Mateo Lacson ng Ateneo; at sina Iñigo Castro at Joaquin Collo ng La Salle.
Samantala, lead assistant coach ng national team si UP head coach Popoy Clarino.
Pinapayagan ng men’s football tournament sa Asian Games ang Under-23 teams na magpasok ng tatlong manlalarong lampas sa itinakdang age limit.
Napabilang ang Pilipinas sa Group C kasama ang reigning bronze medalist na Uzbekistan, one-time quarterfinalist na Kuwait, at pamilyar na katunggali na Vietnam.
Ito ang unang pagkakataon na haharap ang PMNFT sa Uzbekistan at Kuwait sa head-to-head history, habang pamilyar na kalaban naman ang Vietnam matapos magharap ang dalawang koponan sa semifinals ng U23 ASEAN Championship-Mandiri Cup at Southeast Asian Games noong nakaraang taon.
Para kay PMNFT U23 head coach Garrath McPherson, ang group draw ay nagbigay ng balanse sa pagitan ng mga pamilyar at bagong hamon para sa kanyang mga manlalaro.
“After such a long absence from the competition we are grateful to be in such a prestigious tournament and we are ready to showcase our quality in any of the groups,” ani McPherson.
“The draw has given us a mix of familiar and unfamiliar opposition which I am pleased with. We have shown the level we can play in the last two matches against Vietnam, so we have a good understanding of each other. The other two opponents, Uzbekistan and Kuwait, provide an opportunity to experience new challenges. This experience will help our players grow.”
Bago sumabak sa Asiad, nakapagtala ang U23 core ng makasaysayang tagumpay sa nakalipas na 12 buwan, kabilang ang unang semifinal appearance nito sa U23 ASEAN Championship-Mandiri Cup noong Agosto 2025; unang winning record sa U23 Asian Cup Qualifiers noong Setyembre 2025; at unang semifinal stint sa Bangkok Southeast Asian Games noong Disyembre 2025.
Sisimulan ng PMNFT U23 ang kampanya nito sa Asiad laban sa Uzbekistan sa Setyembre 15 (2:30 p.m.), bago harapin ang Vietnam sa Setyembre 18 (2:30 p.m.) at Kuwait sa Setyembre 22 (1 p.m.), lahat ay oras sa Pilipinas, sa CS Asset Minato Soccer Stadium sa Nagoya, Japan.


