Nakuha ng Philippine Football Federation (PFF) ang pinakamalalaking parangal sa 7th Philippine Sports Tourism Awards — National Sports Association (NSA) of the Year at International Event of the Year — para sa matagumpay nitong pagho-host ng FIFA Futsal Women’s World Cup noong nakaraang taon.
Sa ilalim ng pamumuno ni John Gutierrez, pinatunayan ng dalawang parangal kung paano naging matagumpay na halimbawa ng sports tourism ang makasaysayang event ng PFF na ginanap Nobyembre 21 hanggang Disyembre 7, 2025 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nakatulong ito upang maitaguyod ang mga destinasyon ng bansa, magbigay-inspirasyon sa mga komunidad, at higit pang mailagay ang Pilipinas sa pandaigdigang mapa ng palakasan.
Pinuri ni Philippine Sports Commission (PSC) Chair Patrick Gregorio, na panauhing pandangal sa awards night sa Pasay City noong Martes, ang tagumpay ng PFF.
“The FIFA Futsal Women’s World Cup was a celebration of how sports can bring nations together and put the Philippines on the global map,’’ ani Gregorio, na binigyang-diin na ipinakita ng event ang ugnayan ng turismo at pagpapaunlad ng palakasan.
Ang awards night, na inorganisa ng Sports Tourismo Alliance Committee at ipinrisinta ng PSC, ay nagbigay-pansin sa iba’t ibang paraan kung paano patuloy na umuunlad ang sports tourism sa buong bansa.
Itinanghal ang World Archery Philippines bilang Emerging NSA of the Year, habang nakuha naman ng Tour of Luzon ang Domestic Event of the Year.
Kinilala ang City of Puerto Princesa (Palawan) at Sunrise Events bilang Event Organizers of the Year.
Kinilala rin ang Puerto Princesa bilang Emerging Destination of the Year, habang ang City of Lapu-Lapu (Cebu) ay pinarangalan bilang Destination Marketing Event of the Year.
Bilang Chairperson din ng National Sports Tourism Inter-Agency Committee, pinuri ni Gregorio ang mga awardee dahil sa kanilang kahusayan at pagpupursigi sa pagsusulong ng athletic excellence, habang itinatampok din ang mga nangungunang destinasyon ng bansa sa pandaigdigang entablado.
“We all believe that the biggest tourism events in the world are sports events. Napaka-swerte natin dahil President Ferdinand R. Marcos Jr. really believes that sports tourism is a strategy not only to promote tourism but to develop grassroots sports,” ani Gregorio.
Binanggit niya bilang mga halimbawa ang katatapos lamang na 4th Southeast Asia Open Water Swimming Championships sa Boracay, ang kamakailang Aerobic Gymnastics Asian Championships at ang Tour of Luzon.
Ayon sa kanya, ipinapakita ng mga event na ito kung paano nakatutulong ang pagho-host ng malalaking kompetisyon sa pagpapalakas ng lokal na partisipasyon at pagpapalawak ng exposure ng bansa sa buong mundo.
Binigyang-parangal din ang mga industry partner, kabilang ang Duck Sports bilang Media Outfit of the Year, Grand Country Tour and Travel bilang Tour Operator of the Year, Marriott Charity Golf bilang Charity Event of the Year, New Clark City (Tarlac) bilang Venue of the Year, at Philippine Airlines bilang Airline of the Year.
Kinatawan naman ng NUSTAR Resort Cebu ang hospitality sector bilang Hotel of the Year, habang ang Sports Tourism Forum at SMX Clark (Pampanga) ang itinanghal na M.I.C.E Event of the Year.
Nagbigay rin ng espesyal na pagkilala ang programa kay Charles Lim ng Sports Tourism Alliance Committee, na nanguna sa pamamahala ng awards mula nang ito ay itatag.
“What is unique with sports tourism is that while athletes compete for points and prize money, the host country showcases its destinations to millions of viewers worldwide,’’ ani Gregorio.
“From tennis to surfing, cycling to futsal, sambo to karate, these events bring athletes, fans, and federations together and in the process, they elevate the Philippines on the global sports map,” dagdag ni Gregorio.
Itinanghal din ang Subic Bay Freeport Zone (Zambales) bilang Destination of the Year, habang si veteran sports leader Cynthia Carrion ay pinarangalan bilang Sports Personality of the Year.
Kinilala rin ang Island Living Channel bilang Local TV Sports Media Outfit of the Year.
Sa pagdadala ng pinakamahuhusay na women’s futsal team sa mundo sa Manila, hindi lamang ipinakita ng PFF ang kakayahan ng bansa na mag-organisa ng isang pandaigdigang sporting event, kundi nakalikha rin ito ng positibong epekto sa turismo at grassroots sports.
Nakakuha ng benepisyo ang mga hotel, restaurant at transport services mula sa pagdagsa ng mga atleta, opisyal at tagahanga, habang nakakuha naman ng mahalagang exposure ang mga batang Filipino player sa pamamagitan ng pakikipagkumpitensya sa sarili nilang bansa.
“When we host events of this magnitude, we don’t just welcome athletes and fans. we showcase our destinations, inspire our youth, and strengthen our national identity through sports,’’ ani Gregorio.


