Simula na ang aksyon sa Group B ng PBA Season 50 Governors’ Cup ngayong Sabado sa Ynares Center sa Montalban, Rizal.
Magtatapat ang Rain Or Shine at Blackwater simula 5:15 p.m., na susundan ng sagupaan ng Magnolia at Phoenix Super LPG sa ganap na 7:30 p.m.
Hangad ng Magnolia at Phoenix na burahin ang mapapait na alaala ng Commissioner’s Cup, kung saan natapos ang kampanya nila sa quarterfinals.
Yumuko ang Hotshots ni coach LA Tenorio laban sa Meralco Bolts sa isang do-or-die na laro na umabot pa sa overtime, habang pinatalsik naman ang Fuel Masters ni coach Charles Tiu ng second seed at kalauna’y kampyong Barangay Ginebra sa isang knockout na laban.
Ngayon, magpaparada sila ng mga bagong import sa hangaring makapasok sa top four ng Group B, na kinabibilangan din ng Barangay Ginebra, Blackwater, Meralco at Rain Or Shine.
Pangungunahan ang Magnolia ni KJ Buffen, isang 235-pound na power forward. Ang 26-anyos na manlalaro ay nakalaro sa 165 laro sa US NCAA Division I, kung saan nagtala siya ng average na 9.1 puntos, 5.8 rebounds at 1.3 assists.
Matapos maglaro sa Finland at New Zealand, lumipat si Buffen sa Rans PIK sa Indonesian Basketball League, kung saan nagtala siya ng double-double average na 21.5 puntos at 11.3 rebounds noong 2025-26 season.
Pambato naman ng Phoenix ang 30-anyos na si BJ Johnson, isa sa tatlong import na may karanasan sa NBA.
Nagkaroon ang beteranong forward sa Atlanta, Sacramento at Orlando.
Para kay coach Yeng Guiao, malinaw ang layunin ng Rain Or Shine: Top four at hindi bababa sa anim na panalo.
“ ‘Yung five (na panalo) baka pwede na kaya lang baka ma-quotient ka pa,” ani Guiao.
Hinati ang 13 koponan sa dalawang grupo.
Binubuo ang Group A ng TNT, San Miguel Beer, Converge, NLEX, Macau, Terrafirma at Titan Ultra.
Maglalaro ang bawat koponan sa kani-kanilang grupo sa double round-robin eliminations, kung saan aangat sa quarterfinals ang nangungunang apat na koponan mula sa Group A at Group B. Ang mga tabla sa pwesto ay pagbabatayan ng quotient.
Para kay Guiao, mas mahirap ang grupong kinabibilangan ng kanyang koponan kumpara sa kabilang grupo, batay sa ipinakitang lakas at inaasahang pagbuti ng bawat miyembro nito.
“Sa kabila mayroon doong mga tatlo agad na malamang would not be able to contend pa … samantalang sa amin bibilangin mo pa si Phoenix at si Blackwater,” paliwanag ni Guiao.
“Parang pumapalag pa ‘yung Blackwater, saka Phoenix. So kailangan mong problemahin pa mga iyon. Baka ma-tsambahan ka pa noon, eh.”
Nagkataon namang ang unang laban ng Elasto Painters ay kontra sa Bossing, isang koponang umaasang matularan ang mga nagawa ng Rain Or Shine sa mga nakalipas na season, ayon kay coach Patrick Aquino.
“Parang what Rain or Shine did, from a lowly team pero now contender na. We hope we can do that also, makapag-compete kami with the other top teams,” ani Aquino.
Sa ngayon, nais lamang ni Aquino na makapagpakita ang kanyang koponan ng mas mahusay na laro kaysa sa natamong 95-151 na pagkatalo laban sa Rain or Shine noong Marso 31, na nananatiling pinakamalaking tambakan sa kasaysayan ng liga.
“I hope hindi kagaya noong ginawa sa amin last conference,” ani Aquino. “Whatever happens we hope to do better, improve, from that game.”
Isa sa mga dapat abangan sa laban ay ang pagtutuos ng mga import na sina Aaron Fuller ng Rain or Shine at Kentrell Barkley ng Blackwater, na kapwa mahusay sa ilalim ng basket, gayundin kung matatalo ni Bossing top gunner Sedrick Barefield ang mahusay na scorer ng Elasto Painters na si Adrian Nocum.


