Inspiradong sasabak sa quarterfinals ang Barangay Ginebra, Magnolia at San Miguel Beer matapos ipanalo ang huling laban nila sa eliminations ng PBA Commissioner’s Cup nitong weekend.
Tinambakan ng Magnolia ang Meralco, 93-76, sa unang laro, na sinundan ng 93-86 panalo ng Ginebra kontra TNT sa Mall of Asia Arena sa Pasay nitong Linggo.
Noong Sabado sa Ynares Center Antipolo, nanalo ng ikatlong sunod ang San Miguel Beer matapos padapain ang Phoenix Super LPG, 116-104.
No. 2 seed ang Ginebra at makakaharap ang Phoenix (7), samantalang magtutunggaling muli ang Meralco (4) at Magnolia (5).
Ang No. 1 seed NLEX kontra No. 8 TNT at No. 3 Rain or Shine-No. 6 San Miguel Beer ang iba pang laban.
May hawak na twice-to-beat advantage ang No. 1 to No. 4 seed, o isang beses lang kailangan manalo upang makarating sa semifinals.
Sa laro kagabi, nagtala ang Hotshots ng dalawang 21-point kalamangan, ang huli 51-30 sa third quarter.
Nakalapit ang Bolts, 71-80, sa huling anim na minute, ngunit hanggang doon na lamang kinaya.
“The past three games, actually, we’ve been really on a playoff mentality already. I challenged the players, I challenged my team, that these kind of games eto ‘yung magbibigay sa amin ng chance going to the next level,” ani Magnolia coach LA Tenorio.
“What I really like about my team right now is how they responded to that challenge. They responded really well, not only in the games but in practice. They’re really locked in, they’re buying into the system na gusto kong iparating sa team. Iyon ang maganda sa team na ito.”
Noong Sabado din sa labanan ng dalawa sa limang team na sibak na, nanalo ang Converge laban sa Blackwater, 136-122.
Nagtapos ang FiberXers sa 5-7 samantalang kulelat ang Bossing (2-10) kasama ang Titan Ultra Giant Risers.


