Napapalapit na sa katuparan ang minimithing Sports University matapos makuha ng Philippine Sports Commission (PSC) ang suporta ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Mahalagang yugto ito para sa palakasan ng bansa, ayon kay PSC Chairperson Patrick Gregorio.
“Pagcor Chairman Al Tengco is more than a benefactor. Beyond what Pagcor mandates, he understands what is truly needed by Philippine sports to thrive. That is unique and absolutely vital,” ani Gregorio.
Ang planong pagtatayo ng Sports University sa New Clark City sa Capas, Tarlac ay inaasahang magiging malaking hakbang sa pagpapaunlad ng sports sa Pilipinas.
Mayroon nang mga katulad na institusyon ang ilang karatig-bansa, at ngayon ay nakahanda na ring sumabay ang Pilipinas sa pamamagitan ng lumalaking bilang ng mga atleta at lawak ng mga pasilidad para sa pagsasanay.
“It’s about time that our country creates a Sports University,” pahayag ni Tengco matapos ang paglagda sa memorandum of agreement (MOA) ng Philippine Military Academy (PMA), Bloomberry Cultural Foundation Inc., at Pagcor noong Biyernes sa Baguio City.
“Chairman Pato and I discussed how we can help each other beyond Pagcor’s monthly support to the PSC. I fully support the idea of building a sports university,” dagdag ni Tengco.
Sa ilalim ng batas, limang porsiyento ng gross gaming revenue ng Pagcor ang inilalaan sa PSC. Sa kasalukuyan, umaabot ito sa halos PHP400 milyon bawat buwan, o humigit-kumulang PHP5 bilyon kada taon.
Ngunit higit pa sa pondong inilaan ang naidudulot ng ugnayang ito. Na-ipatutupad na ang mga insentibo para sa mga atletang nagwawagi ng medalya, suporta para sa mga coach, at iba’t ibang grassroots program.
Ang Sports University naman ang inaasahang magiging susunod na malaking hakbang tungo sa mas matatag na pagpapaunlad ng sports sa Pilipinas.
Mula nang magkabisa noong Enero 1, 2026 ang desisyon ng Korte Suprema na nagkakaloob sa PSC ng buong limang porsiyentong bahagi ng gross gaming revenue ng Pagcor, lalo pang lumakas ang kakayahan ng ahensya na pondohan ang mga programa nito.
“If you noticed, there are many Filipino athletes who have been winning lately. One reason is the funding from Pagcor — that’s our support to Philippine sports. But more than that, it’s the vision and governance of PSC Chairman Patrick Gregorio,” ani Tengco.
“No matter how big the budget is, if you cannot allocate it well, use it efficiently, and it doesn’t reach the athletes the right way, then there’s no use,” dagdag nya.
Ayon kay Gregorio, tinitiyak ng PSC na ang dagdag na pondo ay direktang mapakikinabangan ng mga atleta sa pamamagitan ng mas mahusay na pagsasanay, mas makabagong pasilidad at mas maraming oportunidad sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Our athletes deserve not only financial support but also the assurance that their welfare is prioritized. Every peso must translate into better training, better facilities, and better opportunities,” ani Gregorio.
Nilagdaan nina Gregorio at PMA Superintendent Vice Admiral Caesar Bernard Valencia ang kasunduan upang higit pang palakasin ang pambansang pool ng mga atleta sa combat sports tulad ng judo, karate at taekwondo, gayundin sa fencing, shooting at wall climbing.
Ipinagkaloob ng PSC ang mga bagong kagamitan para sa mga atletang kadete upang matiyak na mayroon silang sapat na gamit sa pagsasanay at kompetisyon sa pinakamataas na antas.
Nilagdaan din nina Valencia, Bloomberry Cultural Foundation Inc. president Donato Almeda at Tengco ang MOA para sa pagtatayo ng isang makabagong warfare laboratory sa Fort del Pilar, ang tahanan ng PMA.
Mula sa pagtatayo ng mga sports complex sa mga lalawigan hanggang sa pagpapatupad ng mga grassroots program, nakatuon ngayon ang mga inisyatiba ng PSC sa pagbuo ng isang matatag at pangmatagalang sistema para sa paghubog sa mga atleta.
Ang Sports University ang magiging sentro ng planong ito, kung saan magsasama-sama ang edukasyon, pagsasanay at pananaliksik upang higit pang umangat ang antas ng sports sa Pilipinas.


