Magbubukas ngayon Linggo ang pinakamalaking palakasan ng bansa para sa mga estudyante.
Lalawak ang partisipasyon ng 66th Palarong Pambansa sa Agusan del Sur sa pagbabalik ng Negros Island Region bilang hiwalay na delegasyon.
Humigit-kumulang 11,000 elementary at secondary student-athletes mula sa 18 rehiyon ang kasali sa isang linggong palaro.
Magpapadala rin ng mga independent team ang Philippine Schools Overseas at ang National Academy of Sports.
Inaasahan dadalo sa opening ceremony si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara.

“Patuloy na umuunlad ang Palarong Pambansa kasabay ng mga mithiin ng ating mga mag-aaral,” ani Angara sa isang pahayag.
“Ngayong taon, nagbubukas tayo ng mas maraming espasyo para sa partisipasyon, kinikilala ang mas iba’t ibang anyo ng kahusayan sa palakasan, at lumilikha ng mas patas at mas inklusibong kapaligiran ng kompetisyon,” dagdag ni Angara.
Kabilang sa mga bagong event para sa 2026 ang weightlifting, football para sa secondary girls at futsal para sa elementary girls.
Itatampok din ang mga demonstration sport gaya ng karate, kickboxing at soft tennis.
Ang Muay Thai at piling paragames events (sitting volleyball at table tennis) ay isasagawa bilang exhibition.
Binago ng DepEd ang mga polisiya sa kompetisyon upang maisulong ang balanseng paglalaro, kabilang ang binagong winner-take-all rule para sa team sports; pagpapatuloy ng qualifying standards para sa athletics, swimming at archery; at isang home region representation policy.
Papayagan din lumahok ang mga kwalipikadong atleta mula sa national training pool at national developmental pool.
Matapos makumpleto ang paghahanda sa mga venue, nagpahayag si Angara ng kumpiyansa sa kahandaan ng lalawigan na tumanggap ng mga kalahok.
“Naninindigan kami na sa pamamagitan ng mas patas at mas inklusibong Palarong Pambansa ngayong taon, mabibigyan ang bawat batang atleta ng mas malaking oportunidad upang ganap na maipakita ang kanilang talento, potensyal, at kahusayan,” ani Angara.
Ang mga laro, na pinangungunahan ng Agusan del Sur katuwang ang DepEd-Caraga, Schools Division Office of Agusan del Sur, Philippine Sports Commission, at Department of the Interior and Local Government, ay hanggang Mayo 31.


