Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

P90-B Parañaque Spillway, bubuhayin ng DA, LLDA

Muling isinusulong ng Department of Agriculture (DA) at Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang matagal nang naantalang ₱90-bilyong Parañaque Spillway Project upang mabawasan ang pagbaha at maibalik ang kalusugan ng Laguna de Bay.

Target ding gawing mas produktibong sentro ng pangisdaan at mas maaasahang freshwater source para sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan ang pinakamalaking lawa sa bansa.

Unang iminungkahi noong 1970, ang 10.5-kilometrong spillway ay ilalagay nang hindi bababa sa 50 metro sa ilalim ng lupa upang pagdugtungin ang Laguna de Bay at Manila Bay. Inaasahang aabutin ng hindi bababa sa isang dekada ang konstruksyon.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na makababawas ang proyekto sa paulit-ulit na pagbaha sa mga komunidad sa Laguna, Rizal at Metro Manila, habang pinabubuti ang sirkulasyon at kalidad ng tubig sa lawa.

“Isa ang Laguna de Bay sa pinakamahalagang pinagkukunan ng pagkain ng Metro Manila at pinakamurang pinanggagalingan ng bangus. Kung maibabalik natin ang kalusugan ng lawa sa pamamagitan ng mas maayos na sirkulasyon ng tubig at mas mahusay na pamamahala sa baha, mapapataas natin ang produksiyon ng isda, madaragdagan ang kita ng mga mangingisda, at mapapabuti ang kalidad ng  tubig, na sa kalaunan ay maaaring magpababa sa gastos ng water treatment para sa mga mamimili” ani Tiu Laurel.

May pangamba naman ang ilang residente ng Muntinlupa at Bacoor sa posibleng relokasyon at paglilipat lamang ng panganib ng pagbaha sa ibang lugar.

Ayon kay LLDA General Manager Leopoldo Parumog, lalo pang kailangan ang spillway dahil sa planong Japan-funded Manggahan Control Gate Structure. Idinisenyo itong maglipat ng hanggang 2,400 cubic meters ng tubig-baha kada segundo mula Marikina River patungong Laguna de Bay—katumbas ng isang Olympic-size swimming pool bawat segundo.

Bagama’t makababawas ito sa pagbaha sa Marikina River, maaari namang tumaas ang tubig sa lawa at malagay sa panganib ang mga kalapit na komunidad kung walang karagdagang outlet.

“Ang hamon ay maipakita na hindi ito basta isa na namang flood-control project,” aniya. “Kung maisasakatuparan nang tama, isa itong pamumuhunan para sa seguridad sa pagkain, katatagan laban sa climate change, at pangmatagalang pagpapanatili ng suplay ng tubig na makikinabang ang milyun-milyong Pilipino.”

Makikipagtulungan ang DA at LLDA sa iba pang ahensiya, lokal na pamahalaan at private stakeholders. Maaari ring makatulong ang proyekto sa pagpapababa ng water-treatment costs dahil kumukuha na ang Maynilad Water Services Inc. ng raw water mula sa lawa para sa mga customer nito sa Metro Manila at Cavite. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles