Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Animal imports mula sa 7 bansa, pinatigil ng DA dahil sa foot-and-mouth disease

Pansamantalang pinatigil ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng mga buhay na hayop at piling animal products mula sa pitong bansa matapos makumpirma ang mga outbreak ng foot-and-mouth disease (FMD).

Saklaw ng import suspension ang Azerbaijan, Bahrain, Cyprus, Iraq, Israel, Kuwait at Palestine.

Ipinatupad ang hakbang matapos kumpirmahin ng Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO) ang mga kaso ng FMD virus serotype SAT1. Pinagtibay ang mga ito sa pamamagitan ng laboratory tests katuwang ang reference laboratory network ng World Organisation for Animal Health (WOAH).

Sa ilalim ng Department Circular No. 39 na nilagdaan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., bawal munang ipasok sa Pilipinas ang mga buhay na baboy, baka, kalabaw at iba pang hayop na madaling mahawa sa FMD.

Kasama rin sa ban ang sariwang karne o skeletal muscle meat, casings, tallow, hooves, sungay at animal semen mula sa mga apektadong lugar.

“Malaki ang ating pagsisikap upang maprotektahan ang sektor ng paghahayupan laban sa mga mapaminsalang sakit ng hayop. Mahalaga ang mabilis na pagkilos laban sa mga bagong banta upang mapangalagaan ang food security, kabuhayan ng ating mga magsasaka, at tiwala ng publiko sa ating suplay ng pagkain,” ani Tiu Laurel.

“Nakabatay sa siyensya at pag-iingat ang ating hakbang. Bagama’t nananatili tayong nakatuon sa pagsasagawa ng ligtas na kalakalan, kailangang laging unang isaalang-alang ang kalusugan ng ating industriya ng paghahayupan.”

Hindi naman saklaw ng ban ang mga produktong itinuturing ng WOAH bilang “safe commodities,” basta’t nasusunod ang import requirements, veterinary certification at processing standards.

Kabilang dito ang ultra-high temperature milk at dairy products, heat-treated canned meat, protein meal, gelatin at ilang processed hides at leather products.

Nakaaapekto ang FMD sa mga cloven-hoofed na hayop gaya ng baka, baboy, kambing, tupa at kalabaw. Hindi ito mapanganib sa tao at hindi itinuturing na food safety concern.

Gayunman, maaari itong magdulot ng malaking pinsala sa animal production, pagkaantala ng supply, pagtaas ng production costs at pagkalugi ng mga magsasaka.

Inatasan ang mga veterinary quarantine officer na harangin at kumpiskahin ang anumang ipinagbabawal na shipment na darating sa mga pantalan ng bansa. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles