Direktang ipapamahagi ng pamahalaan ang kabuuang P8 bilyong pondo sa mahigit 42,000 barangay sa buong bansa para matulungan ang mga komunidad sa gitna ng epekto ng krisis sa Middle East, ayon sa Malacañang.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, bawat barangay ay makatatanggap ng tig-P200,000 sa ilalim ng programang “Bawat Barangay Makikinabang,” na gagamitin para sa mga proyektong pang-edukasyon, panlipunan, at pang-ekonomiya.
Sinabi ni Recto na kalahati ng pondo ay maaaring ilaan sa mga proyekto ng barangay tulad ng street lights, patrol vehicles, closed-circuit television o CCTV, at generators para sa health centers at evacuation centers.
Ang natitirang kalahati ay gagamitin para sa “finisher program” na nakatuon sa mga college seniors para matiyak na hindi maaantala ang kanilang pagtatapos dahil sa krisis.
Ayon sa Office of the Executive Secretary, aabot sa 200,000 graduating college students ang target matulungan ng programang ito.
“We are protecting the dreams of students who are already within reach of graduation. We will not allow them to stop in their final year of studies,” ayon kay Recto.
Sinabi rin ni Recto na inilunsad ang programa noong March 24 pero hindi ito inanunsyo nang malawakan, kung saan 5,000 barangay ang unang nakatanggap ng pondo bilang initial batch.
Kabilang sa mga pinakahuling nakatanggap ng ayuda ang mga barangay sa Pilar, Bataan, kung saan dumalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamahagi ng pondo.
“Support will be provided directly to the barangays. The President has ordered to strengthen our barangays because these front liners are the closest to the people,” ani Recto.
“They are the first to see problems, and they should also have the capacity to act immediately,” dagdag niya.
Upang masigurong maayos ang implementasyon, nakipagtulungan ang Office of the President sa Liga ng mga Barangay para sa mobilization at monitoring ng paggamit ng pondo.
Target ng pamahalaan na makumpleto ang distribusyon ng pondo bago sumapit ang Hunyo. /Bistado


