CEBU — Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) ang malawakang operasyon ng pekeng foreign cigarette tax stamps matapos ang pagsusuri sa mga nasamsam na sigarilyo sa Lapu-Lapu City.
Ayon sa PNP, isinagawa ang beripikasyon sa pakikipag-ugnayan sa Royal Malaysian Customs Department at mga awtorisadong kinatawan ng tax stamp provider. Lumabas na ang mga sigarilyo ay may dalang hindi authentic na Malaysian excise tax stamps.
Nag-ugat ang kaso sa anti-illegal trade operation ng Police Regional Office 7 sa ilalim ng COPLAN “Dark Leaf,” kung saan nagsilbi ang pulisya ng search warrant laban sa isang cigarette manufacturing facility na hinihinalang sangkot sa iligal na aktibidad.
Sa pagsusuri, 45 cigarette samples mula sa iba’t ibang brand ang tinest at lahat ay bumagsak sa authenticity test. Natuklasan din ang 38 kahon na naglalaman ng tinatayang 10.64 milyong pekeng tax stamps, katumbas ng humigit-kumulang 212.8 milyong piraso ng sigarilyo. Tinatayang nasa P4.256 bilyon ang halaga ng mga ito.
Nauna nang nakumpiska sa operasyon sa Baisisen Global Corporation facility ang 22 makina na ginagamit sa paggawa ng sigarilyo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P1.1 bilyon.
Sa kabuuan, umabot sa tinatayang P5.4 bilyon ang halaga ng lahat ng nasamsam, kabilang ang mga sigarilyo, pekeng tax stamps, at kagamitan.
Matapos ang beripikasyon, ihinain ang isang reklamo noong April 13 para sa paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code o falsification by private individuals at paggamit ng pekeng dokumento. Posible ring magsampa ang pulisya ng karagdagang kaso sa ilalim ng iba pang batas.
Binigyang-diin ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang papel ng international coordination sa operasyon.
“This operation highlights the strength of our coordination with foreign counterparts in going after large-scale illegal activities that affect government revenues and economic stability,” aniya. /Bistado


